Hiniling ng panig Tsino sa pamahalaan ng Britanya na itigil ang pagpapalabas ng ulat na may kinalaman sa Hong Kong.
Inilabas nitong Huwebes, Setyembre 6 ni Jeremy Hunt, Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Britanya ang pinakahuling Six-Monthly Report to Parliament on Hong Kong. Bilang tugon, ipinahayag nang araw ring iyon ng tagapagsalita ng Tanggapan ng Komisyoner ng Ministring Panlabas ng Tsina sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) na kailangang igalang ng panig Britaniko ang katotohanang bumalik na sa inang-bayan ang HK, at itigil ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina.
Kinilala ng nasabing ulat ang kabuuang maayos na pagsasagawa ng patakarang "Isang Bansa Dalawang Sistema" sa Hong Kong. Pero, ipinahayag din nito ang di-umano'y "pagkabahala" sa presyur sa karapatan at kalayaan sa Hong Kong, lalo na sa diskusyon hinggil sa kontrobersyal na pagsasarili ng Hong Kong.
Ipinagdiinan ng tagapagsalitang Tsino na ang di-umano'y pagsasarili ng Hong Kong ay labag sa Konstitusyon ng Tsina, at Saligang Batas at may kinalamang batas ng HK. Wala itong kinalaman sa kalayaan ng pagsasalita, at zero tolerance dito ang Pamahalaang Tsino, dagdag pa niya.
Salin: Jade
Pulido: Mac