Ipinahayag kahapon, Martes, ika-11 ng Setyembre 2018, ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang mainit na pagtanggap ng panig Tsino sa pagpapadala ng Pilipinas ng malaking delegasyon sa Ika-15 China-ASEAN Expo (CAEXPO).
Ayon sa salaysay, ang delegasyong Pilipino sa kasalukuyang CAEXPO ay binubuo ng mahigit 100 miyembro, at ito ang pinakamalaking delegasyon ng Pilipinas sa ekspong ito. Ipinahayag din ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya ng Pilipinas, na ang paglahok sa CAEXPO ay isa sa mga estratehikong plano ng pamahalaan para sa pagpapalawak ng mga larangan ng kooperasyong Pilipino-Sino, at makakabuti ito sa ibayo pang pagpapataas ng relasyon ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Geng, na sa kasalukuyan, mahigpit ang pagpapalagayan sa mataas na antas ng Tsina at Pilipinas, tuluy-tuloy na umuunlad ang kooperasyon sa iba't ibang aspekto, at higit sa lahat, kapansin-pansin ang bunga ng kooperasyon sa kabuhayan at kalakalan. Ito aniya ay nagdudulot ng aktuwal na kapakinabangan sa mga mamamayan ng dalawang bansa.
Dagdag pa ni Geng, nakahanda ang Tsina, kasama ng Pilipinas, na ibayo pang pasiglahin ang bilateral na kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, at pamumuhunan, at pasulungin din ang pagtamo ng mas maraming bunga ng kooperasyong Sino-ASEAN.
Salin: Liu Kai