Sa isang pahayag na inilabas Sabado, Setyembre 15, 2018, ng Embahadang Tsino sa Sweden, mahigpit nitong kinondena ang malupit na aksyon ng Swedish police sa mga turistang Tsino na naganap noong unang dako ng kasalukuyang buwan. Ipinagdiinan nitong ang nasabing aksyon ay grabeng lumalapastangan sa seguridad ng buhay at pundamental na karapatang pantao ng mga nasabing mamamayang Tsino. Hinihiling din nito sa pamahalaan ng Sweden na agarang imbestigahan ang nasabing pangyayari, at agarang tugunan ang mga kahilingan ng mga kaukulang mamamayang Tsino na gaya ng pagpapataw ng parusa, paghingi ng paumanhin, at kompensasyon.
Alam ng lahat, na ang Sweden ay isang sinasabing maunlad na bansa sa pangangalaga sa karapatang pantao. Sa "World Human Rights Report" na inilabas ng bansang ito noong Mayo 2017, nagsalita ito ng anu-ano hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao sa maraming bansang kinabibilangan ng Tsina. Ngunit, sa nangyaring malupit na kilos ng Swedish police sa mga turistang Tsino, nasaan ang lebel ng proteksyon sa karapatang pantao at sibilisadong pagpapatupad ng batas sa Sweden?
Sa katotohanan, dalawang linggo na ang nakalipas sapul nang naganap ang nasabing insidente. Sa panahong ito, magkasunod na iniharap ng Embahada ng Tsina sa Sweden at Ministring Panlabas ng Tsina ang solemnang representasyon sa pamahalaan ng Sweden, ngunit wala pang anumang reaksyon mula sa panig ng Sweden.
Nabatid na nitong mga araw na nakalipas, naganap sa maraming lunsod ng Sweden ang mga marahas na kaso, at lumalala ang kalagayan ng pampublikong seguridad nito. Ang insidente ng malupit na kilos ng Swedish police sa mga turistang Tsino ay ikinababahala ng mga tao, hinggil sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansang ito.
Salin: Li Feng