Nakipag-usap nitong Huwebes, Setyembre 20, si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa mga kinatawan mula sa mga sektor ng industriya, komersyo, pinansya, think tank at media organization na kalahok sa World Economic Forum (WEF) Summer Davos 2018, sa Tianjin, munisipalidad sa dakong hilaga ng Tsina. Sinagot ng Premyer Tsino ang mga tanong na may kinalaman sa pangangalaga sa multilateral na alituntuning pangkalakalan, ibayo pang pagbubukas ng Tsina ng serbisyong pinansyal, proteksyon sa karapatan ng pagmamay-ari ng likhang-isip (IPR), at pagpapahupa ng pasanin ng mga bahay-kalakal, at iba pa.
![]( /mmsource/images/2018/09/21/bd843cf6ef31453299aedbe927bd0d01.jpg)
![]( /mmsource/images/2018/09/21/c41a98839c004212beca5be596b9a64a.jpg)
Kaugnay ng pagpapasulong ng malayang kalakalan, iminungkahi ni Premyer Li na bilang tugon sa mga kinakaharap na problema at hamon, kailangang maupo't mag-usap ang iba't ibang panig para maging mas inklusibo ang mga multilateral na alituntuning pangkalakalan. Ipinagdiinan din niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa interes ng mga umuunlad na bansa, lalo na mga pinaka-di-maunlad na bansa o least developed countries.
Ipinangako rin ni Li na ibayo pang bubukasan ng pamahalaang Tsino ang serbisyong pinansyal ng bansa. Pero, sa prosesong ito, kailangan din aniyang tiyakin ang katatagang pinansyal. Idinagdag pa niyang layon ng pamahalaang Tsino na lubusang buksan ang lahat ng serbisyong pinansyal. Sa kasalukuyan, kinansela na ng Tsina ang limitasyon sa shareholding na dayuhan sa bangko at sa hinaharap, magsasagawa ng katulad na hakbangin sa seguro at securities, aniya pa.
Ipinangako rin ni Premyer Li na ibayo pang mangangalaga ang Tsina sa IPR at parurusahan ang mga lalabag sa IPR. Tinukoy niyang noong taong 2017, nanguna ang mga bahay-kalakal na Tsino sa pagbabayad ng paggamit ng patenteng dayuhan.
Sinabi rin ni Li na sa ilalim ng paghikayat ng pamahalaang Tsino sa inobasyon ng mga indibiduwal at bahay-kalakal, ang lahat ng mga kompanyang rehistrado sa Tsina, lokal man o dayuhan, ay magtatamasa ng mga hakbangin ng pagbabawas ng buwis at ibang gastos.
Salin: Jade
Pulido: Mac