Sa kanyang paglahok sa Di-pormal na Diyalogo sa Mataas na Antas Hinggil sa Pagbabago ng Klima ng Pangkalahatang Asemblea ng United Nations (UN) sa New York, nanawagan Miyerkules, Setyembre 26 (local time), 2018 si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina sa buong-tatag na pagpapatupad sa Paris Agreement.
Idinagdag pa ni Wang na bilang tugon sa pagbabago ng klima, kailangan ding manangan sa prinsipyong "komon pero may pagkakaibang responsibilidad," at tapusin ang talastasan hinggil sa mga detalye ng pagpapatupad sa Paris Agreement ayon sa nakatakdang iskedyul. Nanawagan din siya sa mga maunlad na bansa na tupdin ang kanilang mga pangako na gaya ng pagmomobilisa ng 100 bilyong dolyares bawat taon bago magtapos ang 2020 at paglilipat ng modernong teknolohiya para tulungan ang mga umuunlad na bansa sa pagharap sa pagbabago ng klima.
Inilahad ni Wang ang pagsisikap ng Tsina sa pagtupad sa Paris Agreement. Aniya, nananangan ang pamahalaang Tsino sa bagong ideya ng pag-unlad na nagtatampok sa pagiging inobatibo, koordinado, berde, bukas at inklusibo. Nitong limang taong nakalipas, kapuwa bumaba nang mahigit 20% ang konsumo ng enerhiya at tubig per capita Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, nabawasan ng 8.1% ang konsumo sa karbon, at tumaas ng 6.3% ang konsumo sa malinis na enerhiya, dagdag pa ni Wang.
Salin: Jade
Pulido: Rhio