Sa panayam kahapon, Linggo, ika-17 ng Disyembre 2017, sa telebisyon ng Pransya, muling pinuna ni Pangulong Emmanuel Macron ng bansang ito ang pag-urong ng Amerika sa Paris Agreement hinggil sa pagbabago ng klima.
Sinabi ni Macron, na maraming beses nilang tinalakay ni Pangulong Donald Trump ng Amerika ang hinggil sa isyu ng pag-urong sa Paris Agreement. Nauunawaan aniya niya, ang desisyon ni Trump, para tupdin ang pangakong ginawa niya sa panahon ng kampanya, at panatilihin ang hanapbuhay sa Amerika. Pero, ipinalalagay niyang dapat sundin ng isang bansa ang pandaigdig na kasunduang nilagdaan nito, kahit pinirmahan ito ng naunang pangulo.
Ipinahayag din ni Macron, na patuloy na makikipagkooperasyon ang Pransya sa mga katuwang ng daigdig, sa pagharap sa pagbabago ng klima. Dagdag niya, ang Tsina ay isang pangunahing katuwang ng Pransya, dahil positibo ang mga ambag at pagsisikap ng Tsina sa usaping ito.
Pagkaraang ipatalastas ni Trump noong June 1 ng taong ito ang pag-urong ng Amerika sa Paris Agreement, inilabas nang araw ring iyon ni Macron ang isang video clip, bilang pagpuna rito.
Salin: Liu Kai