HIGIT na lumakas ang kampanya ng mga pulis laban sa mga private armed groups na karaniwang ginagamit ng mga politiko pagsapit ng halalan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Director General Oscar Albayalde na bubuwagin nila ang mga private army upang maging malinis at kapani-paniwala ang darating na halalan.
Nagsimula na sila noong Agosto laban sa gun-for-hire syndicate at Private Armed Groups kaya't napigil na ang 82 sa mga ito na kinabibilangan ng 30 nakatala at 52 wala sa kanilang listahan na mga gun-for-hire syndicate, pagkakasamsam ng 35 sandata at napaslang na rin ang 47 mga kasapi ng private armed groups, na may walong nakatala samantalang may 39 na wala sa kanilang listahan. Nasamsam na rin nila ang 19 na iba't ibang uri ng baril.
Mayroong 77 mga pribadong armadong grupo na may 2,071 kasapi, may 1,582 sandata na karaniwang gumagala at kumikilos sa ARMM.
Magbabalasa na rin ng mga pulis upang maiwasan ang pagiging malapit sa mga kandidato.