Huwebes, Oktubre 18, 2018, idinaos sa Beijing ang ika-3 pulong ng mekanismo ng bilateral na pagsasanggunian ng Tsina at Pilipinas sa isyu ng South China Sea (SCS). Magkahiwalay na pinamunuan nina Kong Xuanyou, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, at Enrique Manalo, Pangalawang Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas ang mga delegasyon ng dalawang bansa. Positibong pagtasa ang ibinigay ng kapuwa panig sa mga natamong positibong bunga sapul nang itatag ang mekanismong ito.
Ipinahayag ni Kong na sa pamamagitan ng naturang mekanismo, maayos na nakokontrol ng magkabilang panig ang alitan, napapasulong ang pragmatikong kooperasyon sa naturang karagatan, at walang humpay na napapahigpit ang pag-uugnayan at pagtitiwalaan. Natamo aniya ng Tsina't Pilipinas ang mga positibong progreso at bunga sa maraming aspekto. Nakahanda ang Tsina, kasama ng Pilipinas, na pasulungin ang maalwang pagdaraos ng mga susunod pang pulong, ibayo pang pangangasiwaan ang kalagayang pandagat, at pasusulungin ang kooperasyon sa bagong antas, dagdag pa ni Kong.
Lubos namang hinangaan ni Manalo ang natamong bunga ng nasabing mekanismo. Aniya, sa aspekto ng bukas at matapat na pag-uugnayan sa isyu ng South China Sea, ang mekanismong ito ay nagsisilbing isang napakagandang halimbawa na dapat pamarisan. Buong tatag aniyang kinakatigan ng panig Pilipino ang pagkakaroon ng Code of Conduct (CoC) in the South China Sea sa lalong madaling panahon. Mahigpit na makikipagtulungan ang Pilipinas sa panig Tsino, para maigarantiyang makapagdudulot ng kapakinabangan para sa iba't ibang bansa sa rehiyong ito ang CoC.
Kalahok sa pulong ang mga kinatawan ng mga departamento ng tanggulang bansa, pangangalaga sa likas na yaman at kapaligiran, industriya ng pangingisda, transportasyon, enerhiya, tanod baybayin, at iba pa ng dalawang bansa.
Salin: Vera