Huwebes, Oktubre 18, 2018—Isang mensahe ang ipinadala ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, kay Teodoro Lopez Locsin, bagong Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, bilang pagbati sa kanyang panunungkulan.
Anang mensahe, nitong nakalipas na ilang taon, walang humpay na bumubuti ang relasyong Sino-Pilipino, bagay na nakapaghatid ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa, at gumawa ng ambag para sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Sinabi ni Wang na nakahanda siyang magkaroon ng mainam na relasyon at pagkakaibigan kay Locsin, ibayo pang palalimin ang estratehikong pagtitiwalaan at pragmatikong kooperasyon ng dalawang bansa, pahigpitin ang pag-uugnayan at pagkokoordina sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig, magkasamang pasulungin ang malusog at matatag na pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino, at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Salin: Vera