Sa pagtataguyod ng Ministri ng Hotel at Turismo ng Myanmar, idinaos nitong Sabado, ika-20 ng Oktubre 2018, sa Yangon, ang promosyong panturismong nakatuon sa pamilihan ng Tsina. Inanyayahan dito ang mga airline company, samahan ng turismo, at travel agency ng dalawang bansa.
Sa promosyon, pinakinggan ng mga opisyal ng Ministri ng Hotel at Turismo ng Myanmar ang mga mungkahi ng iba't ibang panig hinggil sa mga hakbanging puwedeng isagawa ng pamahalaan ng Myanmar, para hikayatin ang marami pang turistang Tsino sa bansa. Ang mga mungkahi ay sumasaklaw sa maraming aspekto, na gaya ng pagpapalakas ng promosyon, pagkakaloob ng mga serbisyo batay sa pangangailangan ng mga turistang Tsino, pagpapabuti ng mga imprastruktura at pasilidad na panturismo, at iba pa.
Bagama't hitik ang Myanmar sa mga yamang panturismo, hindi malaki ang bilang ng mga turistang Tsino sa bansa. Noong 2017, natanggap lamang ng Myanmar ang mahigit 400 libong turistang Tsino.
Salin: Liu Kai