|
||||||||
|
||
Davao--Nagtagpo dito Lunes, ika-29 ng Oktubre, 2018 sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas at Wang Yi, State Councilor at Ministrong Panlabas ng Tsina.
Hiniling muna ni Pangulong Duterte kay Wang na ipaabot ang kanyang taos-pusong pangungumusta kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Ipinahayag ni Duterte na mainam na magkapit-bansa ang Pilipinas at Tsina. Aniya, ang malaking natamong pag-unlad ng Tsina ay nagdudulot ng mahalagang pagkakataon sa buong daigdig, kaya itinuturing ng Pilipinas ang Tsina bilang pinakamahalagang partner. Nananabik aniya siyang isasagawa ni Pangulong Xi ang dalaw pang-estado sa Pilipinas para pasulungin ang bilateral na relasyong Pilipino-Sino sa bagong yugto.
Sinabi pa ni Duterte na ang pangunahing hamon na kinakaharap ng kabuhayang Pilipino ay kakulangan sa enerhiya at imprastruktura. Nakahanda aniya ang Pilipinas na aktibong isagawa, kasama ng Tsina, ang mga kooperasyon ukol dito. Umaasa rin si Duterte na magkakaloob ng tulong at suporta ang Tsina sa pag-unlad ng mga rehiyon ng Pilipinas na gaya ng Mindanao.
Ipinaabot naman ni Wang kay Duterte ang pagbati ni Pangulong Xi. Sinabi ni Wang na ang pangunahing layon ng kanyang pagdalaw ay paghahanda para sa itinakdang pagdalaw ni Pangulong Xi.
Ipinahayag niyang nitong nakalipas na dalawang taon, komprehensibong bumuti ang relasyong Sino-Pilipino sa ilalim ng pamumuno ng mga lider ng dalawang bansa. Sinabi niyang ang Tsina ay naging pinakamalaking trade partner ng Pilipinas at ang kooperasyon ng dalawang bansa ay gumaganap ng positibong papel sa pag-unlad ng kabuhayan at pamumuhay ng mga mamamayan ng Pilipinas. Dagdag pa niya, ang Tsina at Pilipinas ay magkapatid na bansa sapul noong unang panahon at mapapatunayan ng kasaysayan at katotohanan na ang Tsina ay ang pinakamatagal at pinakamapagkakatiwaalang kaibigan ng Pilipinas sa proseso ng pambansang pag-unlad at pagyabong.
Ipinahayag pa ni Wang, na kung titingnan ang kasaysayan, ang Pilipinas ay isang mahalagang istasyon sa maritime silk road at saka sa proseso ng magkasamang konstruksyon ng "Belt and Road" Initiative (BRI), dapat sumangkot ang Pilipinas sa prosesong ito. Sinabi ni Wang na ang konstruksyon ng BRI ay isang magandang pagkakataon para pahigpitin ng Tsina at Pilipinas ang mga kooperasyong nakatuon sa mga aktuwal na pangangailangan ng Pilipinas at mainam upang isakatuparan ang komong pag-unlad at progreso. Dagdag pa niya, winewelkam at inaanyayahan ng panig Tsino si Pangulong Duterte na lumahok sa ika-2 Belt and Road Forum sa taong 2019 sa Tsina.
Samantala, ipinahayag naman ni Duterte na lubos na sumusuporta ang Pilipinas sa magkasamang konstruksyon ng BRI. Nakahanda aniya ang Pilipinas, na isagawa, kasama ng Tsina, ang mga may kinalamang kooperasyon. Sinabi rin niyang mabuti niyang isasa-alang-alang ang muling pagpunta sa Tsina para lumahok sa ika-2 Belt and Road Forum.
Aniya, sa kasalukuyan, mainam ang relasyong Pilipino-Sino at ang hidwaan ng dalawang bansa sa South China Sea (SCS) ay iisa lang problema sa pagitan ng dalawang bansa. Pero binigyang-diin niyang matatag na iginigiit ng Pilipinas na ang kapayapaan ay ang tanging tamang pagpili sa isyung ito at nakahanda ang Pilipias na patuloy na pangalagaan, kasama ng Tsina, ang kapayapaan at katatagan ng SCS.
Ipinahayag naman ni Wang, na ang hidwaan ng dalawang bansa sa SCS ay hindi dapat maging hadlang sa pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Sinabi niyang nitong dalawang taong nakalipas, nagtulungan ang dalawang bansa para hanapin ang tamang paraan upang maayos na hawakan at kontrolin ang hidwaan. Nilagom ng dalawang bansa ang mainam na karanasan ukol dito, diin niya. Sinabi pa ni Wang na nakahanda ang Tsina na pabilisin, kasama ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gaya ng Pilipinas, ang proseso ng pagsasanggunian upang makagawa ng Code of Conduct in the SCS (COC) para isakatuparan ang pangmatalagang kapayapaan at katatagan sa naturang karagatan. Umaasa aniya siyang bilang bansang tagapagkoordina sa relasyon ng Tsina at ASEAN, gaganap ng posibitong papel ang Pilipinas para rito.
Sinabi pa ni Wang na puno ng mga di-tiyak na elemento ang kasalukuyang kalagayang pandaigdig at ang pinakamalaking hamon ay ang panggugulo sa sistema ng multilateralismo at kaayusang pandaigdig. Dagdag pa niya, ang Tsina at Pilipinas ay nabibilang sa mga umuunlad na bansa, kaya dapat pahigpitin, kasama ng ibang mga umuunlad na bansa, ang kooperasyon para magkasamang pangalagaan ang proseso ng multilateralismo at kaayusang pandaigdig at tamang karapatan ng mga umuunlad na bansa at bagong sibol na ekonomiya.
Ipinahayag ni Duterte na aktuwal na isinasakatuparan ng Pilipinas ang mga responsibilidad at obligasyon bilang bansang tagapagkoordina sa relasyon ng Tsina at ASEAN, para bigyang ambag ang pangangalaga sa katatagan at kapayapaan ng SCS at mapasulong ang kooperasyon ng dalawang panig. Nakahanda aniya siyang pahigpitin, kasama ng Tsina, ang kooperasyon at pag-uugnayan sa mga isyung pandaigdig para pangalagaan ang pandaigdigang sistema ng multilateralismo, kaayusan at komong kapakanan ng mga umuunlad na bansa.
Ulat: Ernest
Larawan: MFA
Pulido: Rhio
Web editor: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |