Nagtagpo Lunes, Oktubre 29, 2018, sa Davao sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina at Alan Peter Cayetano, dating Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas.
Ipinahayag ni Wang na ang Tsina at Pilipinas ay mga kapitbansa, at ang pagiging magkaibigan ay ang tanging tumpak na landas. Aniya, nitong nakaraang ilang libong taong kasaysayan ng pagpapalitan ng dalawang bansa, hindi kailanman nilapastangan o sinupil ng Tsina ang Pilipinas. Kaya, mapagkakatiwalaan ng Pilipinas ang Tsina, dagdag niya. Pinapurihan ni Wang si Cayetano dahil sa kanyang ambag para sa pagpapatupad ng indipendiyentang polisiyang panlabas ni Pangulong Duterte at pagpapasulong ng relasyon ng Tsina at Pilipinas, sapul nang manungkulan siya bilang Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas.
Pinasalamatan ni Cayetano ang sinabi ni Wang, at aniya, nitong mahigit dalawang taong nakalipas, dumaan ang relasyon ng Pilipinas at Tsina sa mahirap na panahon, pero, laging pinananatili ng dalawang panig ang pagkakaunawaan at pagkatig sa isa't isa, nananangan sa paglutas ng mga isyu sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasanggunian, at pinasusulong ang pag-unlad ng relasyon ng Pilipinas at Tsina sa tumpak na landas. Aniya, ang nalalapit na pagdalaw ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Pilipinas ay magandang pagkakataon para sa pagpapaunlad ng relasyon. Aniya, kahit hindi na siya ang Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, patuloy pa rin siyang magsisikap para sa pagkakaibigan ng dalawang bansa.
salin: Lele