Oktubre 29, 2018, Lunsod ng Davao- Nagtagpo sina Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina at Carlos Dominguez III, Kalihim ng Pinansyo at iba pang mga miyembro ng gabinete hinggil sa kabuhayan ng Pilipinas.
Ipinahayag ni Wang na ang kooperasyong pangkabuhayan ay mahalagang bahagi ng relasyon ng Tsina at Pilipinas, at ang pagpapabuti ng relasyon ay nagkakaloob din ng garantiyang pulitikal para sa pagpapalalim ng kooperasyong pangkabuhayan. Noong isang taon, mabilis aniyang lumaki ang halaga ng kalakalan ng dalawang bansa at pamumuhunan ng Tsina sa Pilipinas. Aniya pa, kumakatig ang Tsina sa prinsipyong "Build, Build, Build" na iniharap ni Pangulong Duterte. Dapat ibayo pang pasulungin ang pag-uugnayan ng "Build, Build, Build" at Belt and Road Initiative(BRI), upang palawakin ang bagong larangan ng kooperasyon para magbigay ng benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang panig. Ipinahayag din niya ang pagwelkam sa mga bahay-kalakal ng Pilipinas na lumahok sa unang China International Import Expo (CIIE).
Samantala, ipinahayag ni Dominguez na matagumpay ang pag-uusap sa Beijing noong Agosto ng taong ito, at sinang-ayunan ng dalawang panig na patataasin ang relasyon sa bagong antas at pahihigpitin ang kooperasyon sa iba't ibang larangan. Aniya, sa kasalukuyan, maalwan ang mga itinakdang proyekto, at nabubuo ang bagong mekanismong pangkooperasyon. Ipinahayag din niya ang pagkatig ng Pilipinas sa BRI at CIIE.
Lumahok din sa pag-uusap sina Mark Villar, Kalihim ng Kagawaran ng Public Works at Highway; Arthur Tugade, Kalihim ng Kagawaran ng Transportasyon; Benjamin Diokno, Kalihim ng Budget at Management; at Vivencio B. Dizon, Presidente ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
salin:lele