|
||||||||
|
||
Nilagdaan kahapon, Martes, ika-30 ng Oktubre 2018, sa Makati, ng Bank of China Manila (BoC Manila) at 13 malalaking bangko ng Pilipinas, ang Memorandum of Agreement (MoA) hinggil sa pagtatatag ng Philippine Renminbi (RMB) Trading Community.
Ayon sa kasunduan, sa ilalim ng patnubay at superbisyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang Philippine RMB Trading Community ay magbibigay-serbisyo sa direktang pagpapalitan ng salaping Tsino o RMB at Piso ng Pilipinas o PHP, sa pamamagitan ng pagbuo at pamamahala sa isang RMB/PHP market. Dahil dito, matatapos ang kasalukuyang kagawian ng pagpapalitan ng RMB at Piso sa pamamagitan ng US Dollar.
Sa seremonya ng paglagda, sinabi ni Carlos Dominguez III, Kalihim ng Pinansyo ng Pilipinas, na ang pagtatatag ng Philippine RMB Trading Community at pagsasakatuparan ng direktang pagpapalitan ng RMB at Piso ay hindi lamang magbibigay-ginhawa sa negosyo ng mga bahay-kalakal ng Pilipinas at Tsina, kundi magpapasulong din sa relasyong pinansyal ng dalawang bansa, at sa gayon, magdudulot ng benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan.
Naniniwala naman si Deng Jun, Puno ng BoC Manila, na ang direktang pagpapalitan ng RMB at Piso ay magpapababa ng gugulin sa transaksyon ng mga bahay-kalakal na Tsino at Pilipino, at magdaragdag ng kalakalan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Chuchi Fonacier, Pangalawang Gobernador ng BSP, na bilang isa sa mga salapi sa Special Drawing Right basket ng International Monetary Fund, madalas nang ginagamit ang RMB sa settlement ng pandaigdig na kalakalan. Ang pagtatatag ng Philippine RMB Trading Community aniya ay ibayo pang magpapahigpit ng ugnayang ekonomiko at pinansyal ng Pilipinas at Tsina.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |