|
||||||||
|
||
Kinatagpo nitong Huwebes ng hapon sa Beijing ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang delegasyon ng Kongreso ng Amerika. Sumang-ayon ang dalawang panig na lutasin ang pagkakaiba sa pamamagitan ng pagsasanggunian.
Ang delegasyon na binubuo ng 7 mambabatas mula sa mababa't mataas na kapulungan ng Amerika ay pinangungunahan ni Senador Lamar Alexander.
Sina Premyer Li (kanan) at Senador Alexander (kaliwa)
Sinabi ni Premyer Li na sa kabila ng iba't ibang kahirapan at pagsubok, patuloy na sumusulong sa kabuuan ang relasyong Sino-Amerikano nitong 40 taong nakalipas sapul nang itatag ang ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa. Bilang pinakamalaking maunlad na bansa at pinakamalaking umuunlad na bansa, nasa magkaibang yugto ang pag-unlad at may malaking pagkokomplemento ang mga kabuhayan ng Amerika at Tsina, at kapaki-pakinabang sa mga mamamayan ng dalawang bansa ang pagtutulungan sa iba't ibang larangan, dagdag pa ni Li.
Sinabi naman ni Alexander na layon ng biyahe ng delegasyon na ipakita ang paggalang sa dakilang bansang Tsina at mga dakilang mamamayan nito. Ipinagdiinan niyang magkakompetensya pero hindi magkalaban ang dalawang bansa. Naniniwala aniya siyang patuloy at magkasabay na sasagana ang dalawang bansa, batay sa mutuwal na paggagalangan.
Nagkaisa ang mga mambabatas na Amerikano na mas marami ang komong interes sa halip na pagkakaiba sa pagitan ng Tsina't Amerika. Nagkasundo rin silang kailangang lutasin ng dalawang panig ang mga problema sa kabuhayan at kalakalan sa pamamgitan ng pantay na pagsasanggunian. Ipinahayag nila ang kahandaang ibayo pang pasulungin ang relasyon, pagkakaunawaan, at kooperasyon ng dalawang bansa.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
Photo: gov.cn
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |