Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Trabaho, Negosyo, Kabuhayan, idinaos sa Shanghai

(GMT+08:00) 2018-11-06 09:31:46       CRI
Shanghai -- Kasabay ng pagbubukas ng China International Import Expo (CIIE), pinakamalaking ekspo ng Tsina, idinaos din Nobyembre 5, 2018 ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) Seminar.

Layon nitong i-enkorahe ang mga Pilipinong nagtatrabaho at namumuhay sa Shanghai at mga malapit na lugar na pumasok sa larangan ng negosyo at bigyan ng tamang akses sa impormasyon, network sa mga supplier, at iba pang pangangailangan ang mga Overseas Filipino Investor (OFI) upang tulungan silang magtagumpay sa kanilang negosyo.

Sa panayam sa Serbisyo Filipino, sinabi ni Kalihim Ramon M. Lopez ng DTI, na sa pamamagitan ng TNK, matutulungan ang mga Pilipino upang mas maintindihan, at mapag-isipan ang mas maraming oportunidad para kumita ng mas malaki, sa pamamagitan ng mga serye ng leksyon sa pagnenegosyo, financial literacy at labor productivity.

Kalihim Ramon M. Lopez, sa kanyang presentasyon

Binigyan-diin ng kalihim na priyoridad ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na i-angat ang buhay ng lahat ng Pilipino mula sa kahirapan, at ang TNK ay isa sa mga inisyatiba upang marating ang layuning ito.

Nararapat lang aniya, na pagbalik ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Pilipinas, mayroon silang mapagkakakitaan.

Nais aniya ni Pangulong Duterte na patayin ang "5-6" na nagbabaon sa utang sa maliliit na negosyante.

Sa pamamagitan ng TNK, mapapataas ang kaisipan ng pagnenegosyo sa mga Pilipino at mas marami ang magkakaroon ng magandang buhay, aniya.

Samantala, pinasalamatan din ni Lopez si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa pagkakaroon ng malambot at maunawaing puso para sa Pilipinas.

Ani Lopez, dahil sa tulong ni Pangulong Xi, agarang napanumbalik ang pagluluwas ng mga prutas ng Pilipinas sa Tsina.

Sinabi pa niyang tutulong din si Pangulong Xi sa mas malawak pang pagkakaroon ng akses ng mga produktong Pilipino sa pamilihang Tsino, upang magkaroon ng balanseng trade ang Pilipinas at Tsina.

Sa kanya namang hiwalay na presentasyon para sa mga kalahok sa TNK, ipinaliwanag ni Kalihim Lopez na ang Pilipinas ay may malawak at batang lakas-manggagawa, at ang karaniwang edad ng mga manggagawang Pilipino ay nasa 23 anyos: ito aniya ay tamang panahon sa pagsisimula ng sariling pagkakakitaan.

Mula sa kanan: Embahador Jose Santiago Sta. Romana, Kalihim Ramon Lopez, Undersecretary Nora K. Terrado

Bukod dito, mababa rin aniya ang unemployment rate ng bansa, na nasa 5.4% lamang noong nakaraang hati ng 2018.

Kapag mababa ang unemployment rate, ibig sabihin, may tamang kapaligiran sa produksyon at paglaki ang bansa, dagdag niya.

Ipinagmalaki niyang ang Pilipinas ay nananatiling "maliwanag na lugar sa Asya," isa sa mga pinakamabilis na lumaking ekonomiya sa rehiyon, at nasa estratehikong lokasyon, kaya naman ito'y perpektong lugar para ilagak ng mga Tsino ang kanilang puhunan.

Sa usapin naman ng implasyon, sinabi niyang ang implasyon sa Pilipinas ay nananatiling mas maliit kumpara sa mga dekadang nakaraan.

Ang naranasan kamakailan na pagtaas sa implasyon ay panandalian lamang, at ito ay huhupa sa malapit na hinaharap, diin niya.

Ito aniya ay maaaring maresolba sa pamamagitan ng mga monetary at non-monetary na hakbang na ginagawa ng pamahalaan ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Lopez, isa pa sa mga dahilan ng pagtaas ng implasyon sa Pilipinas ay ang pandaigdigang pagtaas ng presyo ng langis.

Sa usapin naman ng turismo, may pagmamalaking sinabi ng kalihim na ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinanggagalingan ng turista ng Pilipinas noong 2017.

Sa taong ito, mula Enero hanggang Hulyo, nasa 4.3 milyon na aniya ang mga turistang nagtungo sa Pilipinas: ito'y lumaki ng 9.7% kumpara sa parehong panahon ng nagdaang taon.

Samantala, sa nabanggit na 4.3 milyon, 764,090 ay mga turistang Tsino, at ang bilang na ito ay lumaki ng 40% kumpara sa parehong panahon ng nagdaang taon, masayang saad ni Lopez.

Sinabi niyang ang Foreign Direct Investment (FDI) ng Pilipinas ay nakakaranas din ng pagyabong.

Mula Enero hanggang Hulyo ng taong ito, ang FDI ng Pilipinas ay umabot na sa $6.7 bilyong dolyar, na mas malaki ng 52% kumpara sa $4.4 bilyong dolyar ng parehong panahon ng nakaraang taon.

Ani Lopez, sa 2018, ang Tsina ang siya nang ikatlong pinakamalaking foreign direct investor ng Pilipinas, samantalang nasa ikalawa at unang puwesto naman ang Hongkong at Singapore, ayon sa pagkakasunod.

Mga Pilipinong dumalo sa TNK

Ang TNK sa Shanghai ay idinaos sa tulong ng Liwayway Marketing Corporation (LMC), Dai-Ichi at iba pang kompanyang Pilipinong nakabase sa lunsod.

Ulat/Larawan: Rhio/Lele
Web-edit: Jade

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>