|
||||||||
|
||
Sumailalim at pumasa nitong Martes, Nobyembre 6, ang Tsina sa regular na Universal Periodic Review (UPR) ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) kaugnay ng pag-unlad ng usapin ng karapatang pantao ng bansa. Layon ng mekanismo ng UPR na suriin kung maayos na tinutupad ng mga kasaping bansa ng UN ang kanilang tungkulin at pangako hinggil sa karapatang pantao. Ito ang ikatlong regular na pagsuri ng UNHRC sa Tsina sapul noong 2009 at 2013.
Sa regular na preskon isang araw pagkatapos ng nasabing pagsuri, isinalaysay ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang mga detalye hinggil dito.
Ani Hua, binubuo ng delegasyong Tsino ang mga opisyal mula sa iba't ibang departamento ng bansa at mga kinatawan mula sa iba't ibang lugar ng bansa. Inilahad ng delegasyon ang mga natamong bunga ng Tsina sa iba't ibang larangan kaugnay ng pangangalaga sa karapatang pantao sapul nang isagawa ang regular na pagsuri noong 2013. Isinalaysay rin ng delegasyon ang aabot sa 30 bagong hakbang sa pangangalaga sa kaparatang pantao na paiiralin ng Tsina. Mahigit 300 tanong mula sa 150 kalahok na bansa ang sinagot ng delegasyong Tsino. Masasabing bukas, tapat, inklusibo at kooperatibo ang diyalogo ng Tsina at mga kalahok na bansang dayuhan sa nasabing pagsusuri, saad ni Hua.
Dagdag pa ni Hua, sa pagsusuri, maraming bansa na gaya ng Rusya at Timog Aprika ang nagpahayag ng pagkilala at pagpuri sa mga ginawang pagsisikap at natamong progreso ng Tsina sa usapin ng karapatang pantao. Samantala, mayroon ding iilang bansang kanluranin na ginawang pulitikal ang usapin ng karapatang pantao ng Tsina at walang batayang binatikos ang pamahalaang Tsino. Bilang tugon, inisa-isa ng delegasyong Tsino ang mga katotohanan at katibayan para pabulaanan ang nasabing mga pagbatikos, ani Hua.
Bilang panapos, ipinahayag ni Hua ang kahandaan ng Tsina na pahigpitin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa iba't ibang bansa sa usapin ng karapatang pantao, batay sa prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggagalangan.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |