Kinatagpo nitong Biyernes, Nobyembre 9, Local time, sa Washington D.C. ni James Mattis, Kalihim ng Depensa ng Estados Unidos si Wei Fenghe, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministro ng Depensa ng Tsina, sa sidelines ng ika-2 Diyalogong Diplomatiko at Panseguridad ng dalawang bansa.
Sinabi ni Wei na ang positibo at maayos na pag-unlad ng relasyong militar ng Tsina at Amerika ay nagsisilbing tagapagtatag sa relasyon ng dalawang bansa.
Sumang-ayon dito si Mattis. Ipinagdiinan niyang walang intensyon ang Amerika na pigilin ang Tsina at laging pakay ng Amerika ang paghubog ng konstruktibong relasyong militar sa Tsina. Umaasa si Mattis na masasamantala ng dalawang hukbo ang mga umiiral na mekanismo ng diyalogo at komunikasyon para mapabuti ang pangangasiwa sa panganib at maiwasan ang mga di-pagkakaunawaan at maling galaw, at hahanapin ang pragmatikong pagtulungan sa mas maraming larangan.
Nagpalitan din ang dalawang opisyal hinggil sa mga isyu ng South China Sea, Taiwan , at Korean Peninsula.
Salin: Jade
Pulido: Mac