Inilabas ngayong araw, Miyerkules, ika-14 ng Nobyembre 2018, sa mga pahayagang Post Courier at National ng Papua New Guinea, ang artikulo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kaugnay ng kanyang gagawing biyahe sa bansang ito.
Sinabi ni Xi, na sa kasalukuyan, mabilis na umuunlad ang relasyon ng Tsina at Papua New Guinea. Mabunga aniya ang kooperasyon ng dalawang bansa sa kalakalan at pamumuhunan, at aktibo ring lumalahok ang panig Tsino sa konstruksyon ng imprastruktura ng Papua New Guinea. Umaasa aniya si Xi, na sa pamamagitan ng biyaheng ito, palalalimin ang pagtitiwalaan ng dalawang bansa, palalawakin ang kooperasyon, palalakasin ang pagpapalitan ng mga mamamayan, at pasusulungin sa bagong antas ang bilateral na relasyon.
Sa biyaheng ito, makikipagtagpo si Xi sa mga lider ng 8 island country sa Pasipiko. Umaasa aniya si Xi, na makakatulong ito sa pagkakaroon ng bagong sigla ng relasyon at kooperasyon ng Tsina sa mga bansang ito.
Sa pananatili sa Papua New Guinea, dadalo rin si Xi sa Ika-26 na Di-pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC). Kaugnay nito, ipinahayag ni Xi ang pag-asang, isasagawa sa pulong ang malalim na pagpapalitan hinggil sa rehiyonal na integrasyong pangkabuhayan, digital economy, interkonektibidad, sustenable at inklusibong pag-unlad, at iba pang paksa, para magbigay ng bagong ambag sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng rehiyong ito.
Salin: Liu Kai