|
||||||||
|
||
Opisyal nang inilabas ng Tsina ang itatampok sa gagawing pagdalaw sa Pilipinas ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Sa news briefing nitong Martes, 2018, isinalaysay ni Kong Xuanyou, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina na isasagawa ni Pangulong Xi ang kanyang kauna-unahang opisyal na pagdalaw sa Pilipinas, Nobyembre 20-21. Ito rin ang unang pagdalaw sa Pilipinas ng puno ng estado ng Tsina nitong 13 taong nakalipas.
Ani Kong, ang Pilipinas ay mapagkaibigang kapitbansa at mahalagang partner ng Tsina. Sa kasalukuyan, walang tigil na lumalalim ang pagtitiwalaang pulitikal at komprehensibong nanumbalik ang kooperasyon sa iba't ibang larangan ng Tsina't Pilipinas, saad ni Kong.
Dagdag pa niya, kapit-bisig ang dalawang bansa para malutas ang isyu ng South China Sea sa pamamagitan ng talastasan. Bukod dito, kumakatig din ang Tsina't Pilipinas sa isa't isa sa rehiyonal at multilateral na antas.
Sa kanyang gagawing pagdalaw, makikipagtagpo si Pangulong Xi kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Senate President Tito Sotto III at Ispiker Gloria Macapagal-Arroyo ng House of Representatives ng Pilipinas. Sa kanilang pagtatagpo, magkasamang itatakda ng mga lider na Tsino't Pilipino ang mga bagong estratehiya at plano para sa pagpapaunlad ng relasyong Sino-Pilipino, ani Kong. Sinabi pa niyang komprehensibong patataasin ng mga lider ng dalawang bansa ang pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang larangan, at tatalakayin ang hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan. Nakatakdang ilabas din ng Tsina't Pilipinas ang magkasanib na pahayag, at kasakuluyang tinatalakay ng magkabilang panig ang mga dokumentong pangkooperasyon hinggil sa kabuhayan, kalakalan, konstruksyon ng imprastruktura, at kultura, ani Kong.
Salin: Jade/Lele
Pulido: Rhio
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |