|
||||||||
|
||
Makaraang mag-usap ngayong gabi sa Malacañang Palace, inilabas ang magkasanib na pahayag nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas. Sumang-ayon ang dalawang bansa na iangat ang bilateral na relasyon sa komprehensibong estratehikong relasyong pangkooperasyon.
Ipinahayag ni Pangulong Xi ang kagalakan sa pagsasakatuparan ng matagal na pinananabikang pagdalaw. Inilahad din ni Xi ang taos-pusong pangungumusta at magandang pagpapala sa sambayanang Pilipino. Sinabi ni Xi na ang pag-angat ng relasyong Sino-Pilipino ay angkop sa pananabik ng mga mamamayan at kahilingan ng pag-unlad ng bilateral na relasyon.
Ipinagdiinan ni Xi na bilang magkapitbansa na may sanlibong taong kasasayan ng pagpapalitan, ang pananangan sa pagkakaibigang pangkapitbansa at pagtutulungan para sa komong kaunlaran ay ang siyang tanging tumpak na pagpili ng Tsina't Pilipinas. Idinagdag pa ni Xi na nitong dalawang taong nakalipas sapul nang magsagawa si Pangulong Duterte ng opisyal na pagdalaw sa Tsina noong 2016, sa kanilang anim na pagtatagpo, malaliman silang nagpalitan ng mga isyung kapuwa nila pinahahalagahan at bunga nito, lumalawak ang napagkasunduan at lumalalim ang pagkakaibigan.
Iminungkahi rin ni Xi na palakasin ang estratehikong patnubay ng mga puno ng estado sa relasyon ng dalawang bansa, pasulungin ang pagpapalitan sa iba't ibang antas, at palakasin ang estratehikong pagtitiwalaan. Ipinahayag din ni Xi ang pagkatig ng panig Tsino sa pagtahak ng Pilipinas sa landas na angkop sa kalagayan ng bansa. Hiniling din niya sa magkabilang panig na palalimin ang pagtutulungan sa tatlong pangunahing larangan ng seguridad, kaunlaran at kultura. Inulit ni Pangulong Xi ang buong-tatag na suporta ng pamahalaang Tsino sa mga hakbang ng pamahalaang Pilipino laban sa droga at terorismo. Nakahanda ang Tsina na patuloy na magbigay-tulong sa abot ng makakaya, sa nasabing mga larangan at sa mga proyektong may kinalaman sa pamumuhay ng mga Pilipino, na gaya ng pagpapahupa ng karalitaan. Umaasa aniya rin ang Tsina na mapalawak ang pagtutulungan sa edukasyon, kultura, turismo at iba pa, para maitatag ang bagong plataporma ng pagpapasulong ng pag-uunawaan at pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa. Dagdag pa ni Xi, ang Pilipinas ay mahalagang partner ng Tsina sa magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI) para sa komong kasaganaan. Kailangan aniya ng dalawang panig na pahigpitin ang pag-uugnayan ng BRI at mga estratehiyang pangkaunlaran ng Pilipinas, at palakasin ang kooperasyon sa imprastruktura, telekomunikasyon, at agrikultura.
Ani pa ni Xi, dahil sa magkasamang pagpupunyagi, mabunga ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa iba't ibang larangan. Hangad aniya ng Tsina na magpursige, kasama ng Pilipinas, para ipagpatuloy ang pagkakaibigan, palalimin ang pagtutulungan, palagiang maging mabuting magkapitbansa, magkaibigan at magkapartner ang dalawang bansa at magkasamang magtamasa ng kaunlaran at kasaganaan.
Tinukoy ni Xi na malawak ang komong interes ng Tsina't Pilipinas sa South China Sea, at maaaring patuloy na kontrolin ang pagkakaiba sa pamamagitan ng mapagkaibigang pagsasanggunian at pasulungin ang mga pragmatikong kooperasyong pandagat, para magbigay ng karapat-dapat na ambag para sa kapayapaan at katatagang panrehiyon at kapakinabangan ng mga mamamayan ng rehiyon. Ipinahayag din ni Pangulong Xi ang pagkatig ng Tsina sa Pilipinas bilang bansang tagapagkoordina sa pagitan ng Tsina at ASEAN, at bansang tagapagkoordina sa BIMP-EAGA. Handa aniya ang Tsina na makiisa sa Pilipinas para ma-i-upgrade ang relasyong Sino-ASEAN at mapasulong ang pagtutulungan ng Silangang Asya. Bilang bagong-usbong na ekonomiya, kailangang pahigpitin ng Tsina at Pilipinas ang koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Sinabi naman ni Pangulong Duterte na ngayong araw ay makasaysayang muhon ng relasyon ng Tsina't Pilipinas, na kinakitaan ng kauna-unahang pagdalaw ng isang pangulong Tsino sa bansa nitong 13 taong nakalipas. Mahalagang sandali rin ito na ipinagdiriwang ng dalawang bansa ang lumalakas na pagkakaibigan at pagtutulungan, saad ni Pangulong Duterte.
Ani Duterte, nitong dalawang taong nakalipas sapul nang isagawa niya ang dalaw na pang-estado sa Tsina noong 2016, buong-sipag na nagtatrabaho ang dalawang bansa para maglatag ng batong panulak ng patuloy na pagpapasulong ng kapaki-pakinabang na kooperasyon sa iba't ibang larangan. Marami pa ang kailangang gawin, pero, ang pagdalaw ni Pangulong Xi ay nagbigay ng bagong sigla sa mutuwal na pagsisikap para matiyak ang kapakinabangan ng mga mamamayan ng dalawang bansa at makapag-ambag sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Ikinagagalak niya ang kasalukuyang kalagayan ng relasyong Sino-Pilipino. Lumalalim ang pagtitiwalaan at kompiyansa ng dalawang pamahalaan at lumalawak ang diyalogo at interaksyon sa iba't ibang lebel. Pinag-usapan nila ni Xi ang mga larangan kung saan maaaring palawakin ang pagtutungan, na gaya ng bilateral na kalakalan, imprastruktura, lalo na ang paglahok ng Tsina sa mga proyekto sa ilalim ng Build Build Build program, rehabilitasyon at rekonstruksyon sa Marawi, at paglahok ng Pilipinas sa Belt and Road Initiative.
Pinag-usapan din aniya nila ni Xi ang hinggil sa depensa, seguridad, kooperasyong pandagat, pagpapatupad sa batas, transnasyonal na krimen, at pagpapahigpit ng partnership laban sa pagpupuslit ng ilegal na droga. Pinagtuunan din ng magkabilang panig ng pansin ang pagpapasulong ng turismo, agrikultura, edukasyon, siyensiya't teknolohiya, at pagpapalitang pangkultura. Ipinahayag din ni Pangulong Duterte ang kanyang pasasalamat kay Pangulong Xi sa suporta ng Tsina sa mga panrehiyon at pandaigdig na inisyatiba ng Pilipinas at panunungkulan ng Pilipinas bilang bansang tagapagkoordina ng Tsina't ASEAN para marating ng magkabilang panig ang sustenableng Code of Conduct. Pinasalamatan din ni Pangulong Duterte ang pamahalang Tsino sa ibinigay na tulong sa Pilipinas sa panahon ng mga kalamidad na gaya ng bagyong Ombong. Nakahanda aniya siyang taglay ang mutuwal na paggagalangan, sinseridad at pananangan sa soberanong pagkakapantay, patuloy na magsikap, kasama ni Pangulong Xi para mapalalim ang relasyon ng dalawang dakilang bansa at matiyak ang mapayapa at masaganang kinabukasan para sa mga mamamayan at buong rehiyon.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |