|
||||||||
|
||
Sa isang preskong idinaos Sabado, Disyembre 1 (local time), 2018 sa Buenos Aires, Argentina, isinalaysay ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina ang kalagayan ng katatapos na pag-uusap nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika.
Ani Wang, napakatagumpay ng nasabing pag-uusap, at narating ng mga lider ang mahalagang komong palagay.
Sinabi ni Wang na sa pag-uusap, tinukoy ng pangulong Tsino na bilang kapwa malaking bansa, may malaking impluwensiya ang Tsina at Amerika sa daigdig. Nakahanda ang dalawang panig na magkasamang magsikap para mapasulong ang pagtatamo ng kanilang pagpapalitan at pagtutulungan tungo sa pagkakaroon ng mas maraming bunga sa iba't-ibang larangan, ani Wang.
Ipinahayag ni Wang Yi na naging positibo at konstruktibo ang talakayan ng dalawang lider tungkol sa isyung pangkabuhayan at pangkalakalan. Aniya, narating ng dalawang lider ang komong palagay tungo sa pagtitigil ng pagpapataw ng karagdagang taripa sa mga produkto ng isa't-isa. Bukod dito, iniharap ng dalawang panig ang isang serye ng konstruktibong plano hinggil sa kung paano maayos na malulutas ang mga umiiral na alitan at problema, aniya pa.
Ani Wang, ipinalalagay ng kapwa panig na malaki ang katuturan ng pagkakaroon ng nasabing pagkakasundo. Ito anila ay hindi lamang mabisang nakakapagpigil sa ibayo pang pagpapalawak ng alitang pangkabuhayan at pangkalakalan, kundi nakakalikha rin ng bagong prospek sa kooperasyong Sino-Amerikano. Ito ay hindi lamang nakakabuti sa sari-sariling pag-unlad ng dalawang bansa at kapakanan ng kanilang mga mamamayan, kundi maging sa matatag na paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Kaugnay ng isyu ng Taiwan, inulit ng panig Tsino ang prinsipyo at paninindigan nito. Ipinahayag naman ng panig Amerikano na patuloy itong mananangan sa patakarang Isang Tsina. Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang panig hinggil sa isyung nuklear ng Korean Peninsula. Hinahangaan ng panig Amerikano ang ginagawang positibong papel ng panig Tsino, at umaasa itong mapapanatili ang pakikipagsanggunian at pakikipagkoordina sa panig Tsino sa mga isyung ito, dagdag pa ni Wang.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |