|
||||||||
|
||
Ipininid nitong Miyerkules sa Beijing ang Ika-8 Diyalogo ng Tsina't Amerika hinggil sa Pagpapatupad sa Batas at mga Karapatang Pantao. Mahigit 50 dalubhasa at iskolar mula sa dalawang bansa ang lumahok sa tatlong araw na diyalogo.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, ipinahayag ni Jiang Jianguo, Pangalawang Puno ng Departamento ng Publisidad ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), ang pag-asang ang diyalogo ng dalawang bansa sa larangan ng karapatang pantao ay tatalima sa tunguhin ng panlahat na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano, igagalang ang pagkakaiba at pantay na mag-uusap, at palalalimin ang kooperasyon at pagtitiwalaan para gumanap ng natatanging papel sa pagpapasulong ng usapin ng karapatang pantao ng dalawang bansa at malusog na pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano.
Sinabi naman ni Stephen A. Orlins, Presidente ng National Committee on U.S.-China Relations na ang taong 2019 ay ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina't Amerika. Umaasa aniya siyang ang katatapos na diyalogo ay magdudulot ng positibong impluwensiya sa relasyong Sino-Amerikano. Nanawagan din siya sa pagkakaroon ng kompiyansa sa hinaharap ng pag-unlad ng ugnayan ng dalawang bansa.
Ang nasabing diyalogo na itinatag noong 2009 ay nagsisilbing mahalagang plataporma para sa mga organisasyong di-pampamahalaan ng Tsina't Amerika sa pagpapalitan hinggil sa karapatang pantao at pagpapasulong ng pag-uunawaan.
Sa araw ng pagpipinid, ang mga kinatawang Amerikano ay bumisita sa Supreme People's Court at Beijing Internet Court.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |