Ayon sa pinakahuling estadistika ng kalakalang panlabas na isinapubliko Huwebes, Nobyembre 8, 2018 ng Pambansang Kawanihan ng Adwana ng Tsina, noong Oktubre ng taong ito, umabot na sa 2.75 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina. Ito'y lumaki ng 22.9% kumpara sa gayunding panahon ng tinalikdang taon. Kabilang dito, 1.49 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pagluluwas, at 1.26 trilyong yuan RMB naman ang pag-aangkat. Ang mga nabanggit ay lumaki ng 20.1% at 26.3%, ayon sa pagkakasunod.
Ipinakikita rin ng datos na noong unang sampung buwan ng kasalukuyang taon, 25.05 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng kalakalan sa paninda ng Tsina, at ito ay lumaki ng 11.3% kumpara sa gayunding panahon ng nagdaang taon. Pawang lumago rin ang pag-aangkat at pagluluwas ng Tsina sa mga pangunahing pamilihan na gaya ng Unyong Europeo (EU), Estados Unidos, Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at Hapon. Bukod dito, mas mataas kaysa pangkalahatang kalagayan ang paglaki ng pag-aangkat at pagluluwas sa mga bansa sa kahabaan ng Belt and Road.
Salin: Vera