|
||||||||
|
||
Kinatagpo nitong Lunes, Disyembre 10, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kanyang counterpart na Aleman na si Frank-Walter Steinmeier. Nagkasundo ang dalawang pangulo na palalimin ang pagtitiwalaan, pasulungin ang pagtutulungan para mapalalim ang komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina't Alemanya at makapagdulot ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa at sa buong daigdig.
Ipinahayag ni Xi na upang mapanatili ang kasiglahan ng relasyong Sino-Aleman, kailangang manangan ang dalawang bansa sa pagbubukas at pagtutulungang pang-inobasyon. Ipinahayag din ng pangulong Tsino ang mainit na pagtanggap sa mga bahay-kalakal na Aleman na magsasamantala sa ibayo pang reporma't pagbubukas ng Tsina, sa okasyon ng ika-40 anibersaryo ng pagsasagawa ng reporma at pagbubukas ng bansa na ginugunita sa kasalukuyang taon. Umaasa ani si Xi na mananatiling bukas sa pamumuhuan ng Tsina ang pamilihang Aleman.
Iminungkahi rin ni Xi na palawakin ng dalawang bansa ang espasyong pangkooperasyon, sa pamamagitan ng magkasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI) at pag-u-ugnay ng BRI sa mga estratehiya ng konektibidad ng Alemanya at Europa.
Ipinahayag din ni Xi ang pagpapahalaga sa patuloy na pagpapasulong ng pagpapalitan ng dalawang bansa sa kultura, edukasyon, kabataan, palakasan at iba pa.
Ikinagagalak naman ni Pangulong Steinmeier ang kanyang unang dalaw-pang-estado sa Tsina, bilang pangulo ng Alemanya. Saad niya, sa kanyang paglalakbay sa Tsina, nakita niya ang mga natamong bunga ng Tsina sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan nitong 40 taong nakalipas sapul nang isagawa ng bansa ang reporma't pagbubukas sa labas. Higit sa lahat, namangha siya sa pagpupursige ng pamahalaang Tsino para matulungan ang ilang daang milyong mamamayan na maibsan ang kahirapan. Ito rin ang kanyang unang pagbalik sa Sichuan, 10 taon makaraang yanigin ng magnitude 8 na lindol ang nasabing lalawigan sa timog-kanluran ng Tsina. Kahanga-hanga ang pagbabago ng mga nasalantang lugar ng Sichuan, dagdag ni Steinmeier.
Ipinahayag din ng pangulong Aleman ang kasiyahan sa pag-unlad ng relasyon ng Tsina't Alemanya. Nakahanda aniya ang Alemanya na palakasin ang pakikipagdiyalogo sa Tsina para mapalawak ang pagkakasundo at pagtutulungan. Hangad din aniya ng Alemanya ang pakikipagkoordina sa Tsina sa mga suliraning pandaigdig at magkasamang pangalagaan ang malayang kalakalan. Suportado ng Alemanya ang pagtutulungang Sino-Europeo, dagdag pa ni Steinmeier.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |