Ginanap Lunes, Disyembre 10, 2018 sa Beijing ang resepsyon bilang pagdiriwang sa ika-7 anibersaryo ng pagkakatatag ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-China Center. Dumalo sa resepsyon ang opisyal ng Ministring Panlabas ng Tsina, mga embahador at diplomata ng mga bansang ASEAN na kinabibilangan ni Embahador Jose Santiago Sta. Romana ng Pilipinas.
Si Chen Dehai, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN-China Center
Sa kanyang talumpati sa resepsyon, ipinahayag ni Chen Dehai, Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN-China Center na ang taong 2018 ay ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN, at taon ng inobasyon ng kapuwa panig. Dumadalas aniya ang pagdadalawan sa mataas na antas ng magkabilang panig, walang humpay na tumataas ang pagtitiwalaang pulitikal, at mabungang-mabunga ang pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang larangan. Dagdag pa ni Chen, ang taong 2019 ay taon ng pagpapalitan ng mga media ng Tsina at ASEAN, at lipos ng kompiyansa siya sa magandang kinabukasan ng relasyong Sino-ASEAN. Nanawagan siyang ibayo pang pasulungin ang pragmatikong kooperasyon, pahigpitin ang pagpapalitan ng tauhan at kultura, at gumawa ng mas malaking ambag para sa walang humpay na pag-unlad ng estratehikong partnership ng kapuwa panig.
Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Stanley Loh Ka Leung, Embahador ng Singapore sa Tsina, na sa kasalukuyang taon, itinaguyod ng ASEAN-China Center ang makukulay na aktibidad sa mga larangang gaya ng kabuhayan, kultura at media, bagay na hindi lamang makakabuti sa pagpapataas ng katanyagan ng ASEAN sa Tsina, kundi makakatulong din sa pagpapahigpit ng pag-uunawaan, pagtitiwalaan at pagtutulungan ng Tsina at iba't ibang bansang ASEAN.
Salin: Vera