Ipinahayag ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina na komprehensibo at balanse ang narating na Katowice Climate Package, at patuloy na magsisikap ang Tsina para sa multilateral na proseso ng pagtugon sa pagbabago ng klima.
Isang package ng mga patnubay sa pagpapatupad sa 2015 Paris Agreement hinggil sa pagbabago ng klima ang napagkasunduan ng mga negosyador mula sa mga 200 bansa, sa Ika-24 na Conference of the Parties (COP 24) to the United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) na ipininid sa Katowice, Poland, nitong nagdaang Sabado, Disyembre 15, local time.
Sa regular na preskon Lunes, Disyembre 17 sa Beijing, sinabi ni Hua na ang tagumpay ng COP 24 ay muling nagpakita ng pananangan ng mga may kinalamang bansa sa multilateral na pagtugon sa pagbabago ng klima. Nagdulot din ito ng bagong sigla para sa berde at low-carbon na pag-unlad ng daigdig.
Isinalaysay rin ni Hua ang substansyal na ambag ng Tsina para marating ang Katowice Climate Package. Sa kahilingan nina Michal Kurtyka, Presidente ng COP24 at Patricia Espinosa, Ehekutibong Kalihim ng UNFCCC, nakipagkoordinahan at nakipagtalastasan ang delegasyong Tsino sa iba pang mga may kinalamang bansa. Sa pamamagitan ng anim na oras na pagsisikap, nalutas ang pinakamasusing isyu at narating ang kasunduan.
Salin: Jade
Pulido: Mac