Sa taunang preskong idinaos kahapon, Huwebes, ika-20 ng Disyembre 2018, sa Moscow, ipinahayag ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, na ang pinalalakas na kooperasyon ng kanyang bansa at Tsina sa mga bilateral at multilateral na plataporma ay gumaganap ng positibong papel para sa katatagan ng kalagayang pandaigdig.
Pagdating sa relasyong Ruso-Sino, binigyan ni Putin ng mataas na pagtasa ang kooperasyon ng dalawang bansa sa kabuhayan at seguridad. Higit sa lahat, ipinahayag niya ang kasiyahan sa posibleng pag-abot ng halaga ng kalakalan ng Rusya at Tsina sa 100 bilyong Dolyares sa taong ito. Ito aniya ay nagpapakita ng mainam na kalagayan ng relasyon ng dalawang bansa, at kanilang pagtitiwalaan sa mataas na antas.
Positibo rin si Putin sa reporma at pagbubukas sa labas ng Tsina. Aniya, makakabuti ito sa katatagan at tiwala sa hinaharap ng Tsina, na mahalaga para rito bilang isang malaking bansa.
Salin: Liu Kai