Ipinahayag ngayong araw, Huwebes, ika-27 ng Disyembre 2018, sa Beijing, ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang taong 2019 ay ang ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Rusya. Aniya, bilang nukleo ng relasyong Sino-Ruso, ibayo pang palalakasin ang pagpapalagayan ng mga lider ng dalawang bansa sa susunod na taon.
Ayon kay Hua, sa darating na Abril ng susunod na taon, pupunta sa Tsina si Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, para dumalo sa Ika-2 Belt and Road Forum for International Cooperation, at dadalaw naman sa Rusya si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa susunod na taon. Samantala, idaraos sa unang dako ng susunod na taon sa Rusya ang Ika-24 na Regular na Pagtatagpo ng mga Punong Ministro ng Tsina at Rusya.
Salin: Liu Kai