Nagpulong sa Moscow Sabado, Disyembre 29, 2018, ang mga Ministrong Panlabas, Ministro ng Tanggulang Bansa, at mga namamahalang tauhan ng departamento ng impormasyon ng Rusya at Turkey tungkol sa isyu ng Syria. Sa isang pahayag na inilabas pagkatapos ng pulong, ipinahayag ng Rusya na tinalakay ng dalawang panig ang hinggil sa mga isyung gaya ng pagsasagawa ng ibayo pang hakbangin sa pagbibigay-dagok sa terorismo, at paglutas sa makataong isyu sa Syria.
Anang pahayag, sinusubaybayan ng dalawang bansa ang lumitaw na bagong situwasyong makaraang ideklara ng Amerika ang pag-urong ng tropa nito mula sa Syria. Anito, Sa paunang kondisyon ng paggalang sa kaukulang resolusyon ng United Nations (UN) Security Council at soberanya ng Syria, patuloy na pananatilihin ang pagkokoordinahan at pagsasanggunian ng mga tauhang militar ng dalawang bansa upang ganap na mapuksa ang bantang terorista sa Syria. Samantala, isasagawa ng dalawang panig ang mga kongkretong hakbangin para makalikha ng kondisyon sa pag-uuwi ng mga Syrian refugees.
Salin: Li Feng