Nag-usap sa telepono nitong Sabado, Disyembre 29, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos. Nagpadala ang dalawang pangulo ng mensaheng pambagong-taon sa isa't isa. Kapuwa nila ipinahayag ang pag-asang marating ng dalawang bansa ang kasunduan na hindi lamang may mutuwal na kapakinabangan at win-win resulta ng magkabilang panig, kundi makakabuti sa daigdig. Nakatawag ito ng pansin ng mga tagapa-analisa at media.
Ayon sa mga tagapag-analisa, ang 2019 ay ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina't Amerika. Sa bisperas ng nasabing mahalagang okasyon, ang pag-uusap nina Xi at Trump ay nagpapakita ng kahandaan ng dalawang bansa na bawasan ang pagkakaiba sa pamamagitan ng pagtutulungan, at pasulungin ang katatagan ng relasyong Sino-Amerikano sa pamamagitan ng diyalogo.
Ayon sa ulat ng Wall Street Journal, maalwan ang komunikasyon ng dalawang pangulo at maayos ang pagsasangguniang pangkalakalan ng dalawang bansa. Nagbuhos ito ng pananalig sa stock market ng Amerika na nakaranas ng pagbabagu-bago nitong ilang araw na nakalipas, diin ng ulat. Ipinalalagay namam ng Bloomberg na ang pag-uusap ng dalawang puno ng estado ay nagpakita ng kanilang pagkilala sa progreso ng pagsasangguniang pangkalakalan ng magkabilang panig. Napakahalaga ng relasyong pangkabuhaya't pangkalakalan sa panlahat na relasyong Sino-Amerikano, dagdag ng Bloomberg.
Salin: Jade