|
||||||||
|
||
Ang 2019 ay ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina't Estados Unidos. Sa okasyong ito, ipinahayag ng Tsina ang kahandaang patuloy na magsikap, kasama ng Amerika para ibayo pang pasulungin ang relasyong Sino-Amerikano na nagtatampok sa koordinasyon, kooperasyon at katatagan.
Sa preskon nitong Linggo, Disyembre 30, sinariwa ni Lu Kang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina ang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano nitong 40 taong nakalipas. Ipinahayag din ni Lu ang pag-asa hinggil sa kinabukasan ng relasyon ng dalawang bansa.
Ani Lu, nitong apat na dekadang nakaraan, kinakitaan ang relasyong Sino-Amerikano ng makasaysayang pag-unlad. Halimbawa, noong 2017, umabot sa 5.3 milyong bisita ng magkabilang panig at 40 taon ang nakakaraan, ilang libong pagdalaw lang ang ginawa ng dalawang bansa. Noong 2017, lumampas na sa 580 bilyong dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan ng Tsina't Amerika at apat na dekada ang nakakaraan, wala pa itong 2.5 bilyong dolyares. Bago itatag ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, halos sero ang bilateral na pamumuhunan at noong 2017, umakyat sa 230 bilyong dolyares ang pamumuhunan sa isa't isa ng magkabilang panig.
Nitong 40 taong nakalipas, malawak din ang pagtutulungan ng Tsina't Amerika sa lebel na bilateral, rehiyonal at pandaigdig, kaugnay ng paglutas sa mga mainit na isyu, paglaban sa terorismo, pagtugon sa pandaigdig na krisis na pinansyal, at pagpapasulong ng kabuhayang pandaigdig, dagdag ni Lu.
Napatunayan ani Lu ng mga ito na ang pag-unlad ng relasyong Sino-Amerikano ay hindi lamang nagdulot ng kapakinabangan sa mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi nagpasulong ng kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyong Asya-Pasipiko at daigdig.
Diin ni Lu, sa bagong simula ng relasyong Sino-Amerikano, nakahanda ang panig Tsino na magpursige, kasama ng panig Amerikano para mapalawak ang pagtutulungan batay sa mutuwal na kapakinabangan, at makontrol ang mga pagkakaiba batay sa paggagalangan para mapasulong ang relasyong Sino-Amerikano at magdulot ng mas maraming benepisyo para sa mga mamamayan ng dalawang bansa at daigdig.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |