Bumigkas ng talumpati ngayong araw, Miyerkules, ika-2 ng Enero 2019, sa Beijing, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sa pulong bilang pagdiriwang sa ika-40 anibersaryo ng pagpapalabas ng "Mensahe sa mga Kababayan sa Taiwan."
Binalik-tanaw ni Xi ang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang ng Taiwan Strait, nitong 70 taong nakalipas sapul nang ihiwalay ang Taiwan mula sa mainland. Iniharap niya ang limang patakaran at mungkahi hinggil sa pagpapasulong ng mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang sa bagong panahon at pagsasakatuparan ng mapayapang reunipikasyon ng bansa. Binigyang-diin niyang, ang Tsina ay dapat at tiyak na maging unipikado, at hindi dapat mawala ang Taiwan sa proseso ng pag-ahon ng nasyong Tsino. Ang isang unipikadong Tsina ay magdudulot ng mas maraming pagkakataong pangkaunlaran para sa iba't ibang bansa ng daigdig, dagdag niya.
Ang talumpati ni Xi ay nagpapakita ng pinakamalaking katapatan at kagandahang-loob ng mainland para sa mapayapang reunipikasyon, at ng kalooban at determinasyon ng naghaharing partido at pamahalaan ng Tsina sa buong tatag na pangangalaga sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa. Nagpalabas ito ng babala sa ilang seperatistang puwersang naninindigan ng pagsasarili ng Taiwan at mga puwersang panlabas na nais makialam sa isyu ng Taiwan. Nagbigay din ito ng patnubay at batayan para sa pagsasakatuparan ng reunipikasyon ng bansa.
Noong Enero Uno 1979, ipinalabas ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina ang "Mensahe sa mga Kababayan sa Taiwan." Noong panahong iyon, napanumbalik na ang lahat ng mga lehitimong karapatan ng Republika ng Bayan ng Tsina sa United Nations, at malawakang kinikilala ng komunidad ng daigdig na ang Taiwan ay isang di-maihihiwalay na bahagi ng teritoryo ng Tsina. Nakasaad sa naturang mensahe ang paninindigan ng paggigiit sa "Isang Tsina." Inilakip din dito ang mga patakaran ng pagbibigay-wakas sa komprontasyong militar ng magkabilang pampang; pagsasagawa ng direktang komunikasyong pangkoreo, kalakalan, at nabigasyon; pagpapalawak ng pagpapalitan, at iba pa, para sa pagpapasulong ng pagpasok ng relasyon ng magkabilang pampang sa yugto ng mapayapang reunipikasyon.
Salin: Liu Kai