Sa regular na preskon Miyerkules, Enero 2, 2019, ipinahayag ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang isyu ng Taiwan ay suliraning panloob ng Tsina, ito ay may kinalaman sa nukleong interes ng Tsina at damdamin ng mga mamamayang Tsino, kaya hinding hindi pinahihintulutan ang anumang pakikialam ng mga puwersang panlabas.
Ayon sa ulat, nilagdaan kamakailan ang rebisadong batas ng "Asia Reassurance Initiative Act of 2018" ng Estados Unidos. Ang mga nilalaman ng nasabing rebisadong batas ay may kinalaman sa isyu ng Taiwan na kinabibilangan ng kahilingan sa pagpapalakas ng pag-uugnayang opisyal at militar sa pagitan ng Amerika at Taiwan. Kaugnay nito, sinabi ni Lu na ang nabanggit na rebisadong batas ay malubhang lumalabag sa simulaing Isang Tsina at mga tadhana ng tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika. Magaslaw aniyang pinakiki-alamanan nito ang mga suliraning panloob ng Tsina. Aniya, nagpahayag na ang panig Tsino ng matinding kawalang kasiyahan at buong tatag na pagtutol dito, at nagharap na rin ng solemnang representasyon sa panig Amerikano.
Salin: Vera