|
||||||||
|
||
Alas-10:26 ng umaga, nitong Huwebes, Enero 3, Beijing/Manila Time, naisagawa ng Chang'e-4 lunar probe ng Tsina ang makasaysayang soft landing sa Von Karman Crater sa South Pole-Aitken Basin, nakatakdang lugar sa far side ng buwan. Makaraang mag-soft-land, sa tulong ng relay satellite na Queqiao (Tulay-Magpie), ipinadala ng probe ang kauna-unahang close-up na larawang kuha mula sa far side ng buwan.
Unang imaheng kuha ng Chang'e-4 probe sa far side ng buwan, Enero 3, 2019
Bunga nito, ang Chang'e-4 na binubuo ng isang lander at isang rover, ang naging kauna-unahang spacecraft na lumapag sa di-naaabot na bahagi ng buwan. Bukod dito, ang Tsina ang siya ring nagsisilbing kauna-unahang bansa sa daigdig na may spacecraft na lumapag kapuwa sa near side, bahagi ng buwang nakikita sa mundo at far side, bahagi ng buwang di nakikita sa mundo.
Saad ni Yu Guobin, Tagapagsalita ng Misyon ng Chang'e-4 Lunar Probe, ang matagumpay na paglapag ng nasabing lunar probe ay naigarantiya ng tatlong masusing factor. Dagdag ni Yu, una, nananatiling maayos ang operasyon ng relay satellite na Queqiao sapul nang ilunsad ito noong Mayo 21, 2018; ikalawa, ang variable thrust engine ng probe ay maaaring gumawa ng lakas-tulak mula 2,500 newton hanggang 7,500 newton, at nakatulong ito sa pagbaba ng bilis ng probe at tumiyak sa maalwang soft-landing ng Chang'e-4; at ikatlo, ang teknolohiya ng paglilipad-lipad o hovering ay nakatulong sa pag-iwas sa mga posibleng hadlang sa paglapag: ibig sabihin, sa mga 100 metro sa itaas ng far side ng buwan, naghover nang mga 30 segundo ang probe, kung kailan ang 3D laser scanning imaging system nito ay nagkaloob ng mga datos para makatiyak ng ligtas na paglapag ng lander at maayos na pagsuri ng rover ng Chang'e-4.
Kaugnay ng dahilan ng paglapag sa Von Karman Crater sa South Pole-Aitken Basin sa far side ng buwan, ganito ang ipinaliwanag ni Wu Weiren, Punong Tagapagdisenyo ng Lunar Probe Program ng Tsina. Ani Wu, ipinalalagay ng mga siyentista na mas matanda ang malayong bahagi ng buwan kaysa sa malapit na bahagi nito. Bukod dito, ang Aitken Basin na 2,500 kilometro ang diametro at 12 kilometro ang lalim ay ang pinakamalaki at pinakamalalim na lambak sa buwan na natuklasan ng sangkatauhan. Samantala, ang pagkabuo ng Von Karman Crater at ang may kaukulang pananaliksik ay may mahalagang katuturan sa pag-aral hinggil sa kasaysayan ng buwan at ng buong solar system.
Ayon sa China National Space Administration (CNSA), kabilang sa mga tungkuling siyentipiko ng Chang'e-4 ay low-frequency radio astronomical observation, pagdedetekta sa pagbuo ng mga mineral at estruktura sa mababaw na bahagi o shallow surface ng buwan, at pag-aaral sa kapaligiran ng malayong bahagi ng buwan sa pamamagitan ng pagsusuri sa neutron radiation at neutral atoms.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
Photo courtesy: China National Space Administration (CNSA)
v E-commerce ng Tsina, positibong oportunidad para sa mga produktong Pilipino 11-12 13:05 |
v Pagbubukas at pag-unlad ng distrito ng Pudong, Shanghai, maaaring matutunan ng Pilipinas – Embahador Jose Santiago Sta. Romana 11-11 16:19 |
v Xi Jinping: Pag-unlad ng Tsina at daigdig, hindi dapat paghiwalayin 11-10 21:12 |
v Xi Jinping, lubos na pinahahalagahan ang inklusibo at sustenableng pag-unlad 11-10 19:45 |
Louis Marquez: Shenzhen, magiging lider sa teknolohiya sa buong mundo; pamumuhay sa lunsod, isang biyaya-Mga Pinoy sa Tsina |
Bagong semestre, nagsimula; mga DIY na regalo mula sa mga mag-aaral, inihandog sa mga gurong Pilipino sa Shanghai |
Bong Antivola: 2020 CIFIT hudyat sa kahanga-hangang pagbangon ng Tsina sa gitna ng pandemiya; mamumuhunang Tsino malaki ang interes sa pakikipagkooperasyon sa Pilipinas |
Dandy Menor: 19 na taong paninirahan sa Shenzhen, di mapapantayan-Mga Pinoy sa Tsina |
More>> |
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |