Natapos kahapon, Miyerkules, ika-9 ng Enero 2019, sa Beijing, ang negosasyon ng Tsina at Amerika hinggil sa isyung pangkabuhayan at pangkalakalan sa antas na pangalawang ministeryal. Ito ang unang face-to-face negotiation ng dalawang panig, para ipatupad ang mga mahalagang komong palagay na narating nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika sa kanilang pagtatagpo sa Argentina. Isinagawa nila ang malawak, malalim, at mataimtim na pagpapalitan hinggil sa mga mahalagang isyung pangkalakalan.
Nagkakaroon ng ilang komong palagay ang dalawang panig. Halimbawa, palalawakin ng Tsina ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultural at produktong enerhiya mula sa Amerika. Sa aspektong ito, iniharap naman ng panig Amerikano ang detalyadong kahilingan sa panig Tsino, na itakda ang malinaw na time table para sa pagpapalawak ng pag-aangkat ng mga produktong Amerikano.
Sa katotohanan, batay sa nakatakdang patakaran ng pamahalaang Tsino, palalawakin ng Tsina ang pag-aangkat ng mga produkto, hindi lamang mula sa Amerika, kundi rin mula sa iba't ibang bansa ng daigdig. Kung ano ang magiging market share ng mga produktong Amerikano sa Tsina ay depende sa kung ang mga produktong Amerikano ay totoong makakatugon sa pangangailangan ng mga mamimiling Tsino, at kung ang mga produktong ito ay matatanggap ng mga mamimiling Tsino.
Nitong mahigit 9 na buwang nakalipas, sapul nang magkaroon ng lumalalang alitang pangkabuhayan at pangkalakalan ang Tsina at Amerika, ang mga negatibong epektong dulot ng trade war ay nakakaapekto hindi lamang sa dalawang bansa, kundi rin sa buong mundo. Ito ay isa sa mga pangunahing dahilan, kung bakit idinaos ng Tsina at Amerika ang nabanggit na negosasyon at ginawa ng kapwa panig ang pinakamalaking pagsisikap para matamo ang progreso.
Batay sa narating na komong palagay ng mga lider na Tsino at Amerikano, nagkakaroon lamang ng 90 araw ang dalawang panig para sa negosasyon, at sa kasalukuyan, lumipas na ang 40 araw. Mahigpit ang oras at mabigat ang tungkulin ng dalawang panig para marating ang pinal na kasunduan upang bigyang-wakas ang trade war. Ang nabanggit na negosasyon sa Beijing ay itinuturing na magandang simula, samantala, kinakailangan pa rin ang magkasamang pagsisikap ng kapwa panig, para matamo ang mainam na bunga sa bandang huli.
Salin: Liu Kai