Ipinahayag kamakailan sa Beijing ni Ning Jizhe, Pangalawang Direktor ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na upang maigarantiya ang pagtakbo ng kabuhayan sa makatwirang antas, itatakda ng bansa ang mga kaukulang patakaran sa mga aspektong gaya ng pagpapalawak ng konsumo ng mga residente, totoong pagdaragdag ng mabisang pamumuhunan at iba pa. Samantala, sa taong 2019, palalawakin ng Tsina ang larangan ng pamumuhunan ng mga mangangalakal na dayuhan, at kusang loob na palalawakin ang reporma at pagbubukas.
Iniharap sa katatapos na Central Economic Work Conference na dapat pasulungin ang pagbuo ng mas malakas na pamilihang panloob. Kaugnay nito, ipinahayag ni Ning na sa kasalukuyan, tuluy-tuloy na tumataas ang kita ng mga residenteng Tsino, at lumilinaw ang tunguhin ng walang humpay na paglawak at pag-a-upgrade ng konsumo, kaya, ang mga patakaran ng bansa ay dapat umangkop sa pangkalahatang tunguhin ng pag-a-upgrade ng konsumo ng mga residente, para ibayo pang patingkarin ang pundamental na papel ng konsumo sa pag-unlad ng kabuhayan.
Binigyan-diin din sa nasabing pulong ang pagpapasulong sa komprehensibong pagbubukas sa labas. Sinabi ni Ning na komprehensibong pabubutihin ng kanyang komisyon ang kapaligiran ng paggamit ng puhunang dayuhan, at pasusulungin ang paglulusad ng mahahalagang proyektong may puhunang dayuhan, ayon sa kahilingan ng kusang loob na pagpapasulong sa pagbubukas sa labas sa mataas na antas.
Salin: Vera