|
||||||||
|
||
Ipinahayag ni Zhong Shan, Ministro ng Komersyo ng Tsina na bilang pagpapatupad sa katatapos na taunang Central Economic Work Conference, isasagawa ng kanyang ministri ang serye ng mga hakbangin para mapasulong ang dekalidad na kaunlarang komersyal ng bansa, para sa kasalukuyang taon.
Ani Zhong, sa taong 2019, magpapasulong ang kanyang ministri ng pambansang konsumo sa tatlong aspekto. Kabilang sa mga ito ay pagpapataas ng pamimili sa mga lunsod, pagpapasulong ng konsumo sa kanayunan, at pagpapalago ng konsumo sa serbisyo na gaya ng e-commerce.
Saad ni Zhong, kasabay nito, ibayo pang bubuksan ng Tsina ang pamilihan sa mga pondong dayuhan. Para rito, patuloy na babawasan ang Special Management Measures (Negative List) para sa pagpasok ng mga pondong dayuhan sa Tsina, at pahihintuluhan ang mga bahay-kalakal na dayuhan na pumasok sa mas maraming sektor kung saan mayroon silang eksklusibong puhunan, dagdag ni Zhong. Pasusulungin din aniya ng Tsina ang pagluluwas na nagtatampok sa kalidad, hay-tek at mataas na added value.
Diin din ni Zhong, mayroon pang tatlong pangunahing tungkulin ang kanyang ministri sa taong 2019. Kabilang sa mga ito ay pagdaraos ng ikalawang China International Import Expo (CIIE), maayos na pagtugon sa alitang pangkalakalan sa pagitan ng Tsina't Amerika, at pagpapasulong ng pagtatatag ng mga free trade pilot zone at free trade port.
Ang taunang Central Economic Work Conference ay ginanap noong Disyembre, 2018, kung saan itinakda ang mga pangunahing pambansang plano, patakaran at hakbangin para sa taong 2019.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |