Kaugnay ng pag-unlad ng kabuhayan sa taong 2019, sinabi ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na sa taong ito, kailangang ibayo pang pasiglahin ang pamilihan, bilang tugon sa presyur ng pagbaba ng pambansang kaunlarang pangkabuhayan.
Winika ito ni Li sa isang sesyong plenaryo ng pamahalaan kamakailan, kung saan tinalakay ang hinggil sa balangkas na Government Work Report at mga pangunahing gawaing pangkabuhayan para sa unang kuwarter ng taong ito.
Diin ni Li, upang mapanatili ang pag-unlad ng kabuhayan sa makatwirang saklaw, dapat palalimin ang reporma't pagbubukas sa labas; pabilisin ang inobasyon; pasulungin ang suporta sa mga pribadong bahay-kalakal, lalo na sa mga small at micro businesses; at palakasin ang konsunong panloob.
Tuwing Marso, idinaraos ang taunang sesyong plenaryo ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina, kung saan pinapakinggan ng mga mambabatas ang Government Work Report. Bago ito, ipinapamahagi ng pamahalang Tsino ang balangkas na Government Work Report sa mga departamentong sentral at lokal, at iba't ibang sektor para humingi ng kuru-kuro at mungkahi.
Salin: Jade
Pulido: Rhio