Ayon sa datos na ipinalabas nitong Huwebes, Enero 17 ng State-owned Assets Supervision and Administration Commission (SASAC) ng Konseho ng Estado, Gabinete ng Tsina, noong 2018, umabot sa 1.7 trilyong yuan RMB (251.7 bilyong dolyares) ang tubo ng mga sentral na bahay-kalakal na ari ng estado (central SOEs). Ito ay mas mataas ng 16.7% kumpara sa taong 2017. Nakalikha ito ng record high.
Ayon din sa datos, noong 2018, lumampas sa 29 trilyong yuan (4.3 trilyong dolyares ) ang kabuuang kita ng 96 na central SOEs ng Tsina, na mas mataas ng 10.1% kumpara sa taong 2017.
Sinabi ni Peng Huagang, Tagapagsalita ng SASAC na bilang pagpapatupad sa katatapos na taunang Central Economic Work Conference ng Tsina, pabibilisin ng pamahalaang Tsino ang reporma sa mga central SOEs sa taong ito. Kabilang sa mga konkretong hakbangin ay pagpapasulong sa pagmamay-ari sa nasabing mga bahay-kalakal ng iba't ibang panig, pagpapabuti ng pangangasiwa sa mga ito ayon sa pangangailangan ng pamilihan, at iba pa, dagdag ni Peng.
Ang taunang Central Economic Work Conference ay ginanap noong Disyembre, 2018, kung saan itinakda ang mga pangunahing pambansang plano, patakaran at hakbangin para sa taong 2019.
Salin: Jade
Pulido: Rhio