Isang delegasyong Tsino na pinamumunuan ni Pangalawang Premyer Liu He ng Tsina ang dumating nitong Lunes ng hapon, Enero 28, local time, sa Washington D.C. para sa gaganaping konsultasyong pangkabuhaya't pangkalakalan sa panig Amerikano. Si Liu ay nagsisilbi rin bilang punong negosyador ng panig Tsino sa komprehensibong diyalogong pangkabuhayan ng Tsina't Amerika.
Ang delegasyon ay binubuo ng mga mataas na opisyal mula sa iba't ibang pangunahing sektor na pangkabuhayan ng pamahalaang Tsino. Kabilang sa mga miyembro ng delegasyon ay sina Yi Gang, Gobernador ng People's Bank of China, Bangko Sentral ng Tsina; Ning Jizhe, Pangalawang Tagapangulo ng National Development and Reform Commission (NDRC); Liao Min, Pangalawang Direktor ng Tanggapan ng Sentral na Komisyon para sa mga Suliraning Pinansyal at Ekonomiko at Pangalawang Ministro ng Pinansya; Zheng Zeguang, Pangalawang Ministrong Panlabas; Luo Wen, Pangalawang Ministro ng Industriya at Teknolohiyang Pang-impormasyon; Han Jun, Pangalawang Ministro ng Agrikultura at mga Suliraning Rural; at Wang Shouwen, Pangalawang Ministro ng Komersyo at Pangalawang Kinatawan ng Tsina sa Pandaigdig na Kalakalan.
Salin: Jade
Pulido: Mac