Kinatagpo nitong Huwebes, Enero 31, local time sa Washington D.C. ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos si Liu He, Pangalawang Premyer ng Tsina, makaraang matapos ang bagong round ng talastasang pangkalakalan ng dalawang bansa.
Si Liu, bilang punong koordinador ng Tsina sa nasabing talastasan ay namuno sa delegasyong Tsino na binubuo ng mga mataas na opisyal na pinansyal at komersyal.
Kinilala ng magkabilang panig ang mga natamong bunga ng katatapos na talastasan kaugnay ng pagbabalanse ng bilateral na kalakalan, paglilipat ng teknolohiya, pangangalaga sa karapatan sa pagmamay-ari ng likhang-isip (IPR), mekanismo ng pagpapatupad, at iba pa. Umaasa anila silang mararating ang kasunduang pangkalakalan na makakabuti sa kapuwa panig sa lalong madaling panahon.
Nagpasiya ang magkabilang panig na idaos ang bagong round ng talastasan sa kalagitnaan ng buwang ito, sa Beijing.
Salin: Jade
Pulido: Mac