Sa kanyang artikulong inilabas Biyernes, Pebrero 15, 2019, sa pahayagang "People's Daily," sinabi ni Zhao Jianhua, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na patuloy na igigiit ng Tsina ang patakarang panlabas na mapayapang pakikipamuhayan sa mga kapitbansa para komprehensibong mapataas ang lebel ng kooperasyong Sino-Pilipino sa iba't-ibang larangan at makalikha ng mas magandang kinabukasan ng relasyon ng dalawang bansa.
Ani Zhao, ang nakalipas na isang taon ay may napakalaking katuturan sa kasaysayan ng pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino. Bunga ng unang matagumpay na dalaw-pang-estado ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Pilipinas, napataas ang lebel ng relasyong Sino-Pilipino sa komprehensibo't estratehikong kooperasyon. Sa panahon ng biyaheng ito, magkasamang sinaksihan ng mga lider ng dalawang bansa ang paglalagda sa 29 na bilateral na dokumentong pangkooperasyon na may kinalaman sa kabuhayan, pinansya, imprastruktura, agrikultura, edukasyon, at kultura, bagay na nagpasigla nang malaki sa pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino, aniya pa.
Sa kasalukuyan, maganda ang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Pilipinas, at madalas ang pagpapalagayan ng mga tauhan ng dalawang panig. Ang Tsina ay nagsisilbing pinakamalaking trade partner, pinakamalaking export market, pinakamalaking pinagmumulang bansa ng pag-aangkat, at ikalawang pinakamalaking pinagmumulang bansa ng mga turista ng Pilipinas. Dagdag pa ni Zhao, buong tatag na kinakatigan ng Tsina ang usapin ng Pilipinas sa paglaban sa droga at terorismo, at mayroong mahigpit na kooperasyon ang dalawang bansa sa mga kaukulang larangan. Bukod dito, sa harap ng likas na kalamidad, nakikipagtulungan sa isa't-isa ang dalawang panig.
Sa kasalukuyang taon, patuloy at maayos na hahawakan ng dalawang bansa ang alitan sa pamamagitan ng mapagkaibigang pagsasanggunian para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea. Palalalimin din ng panig Tsino ang pakikipagkoordinahan at pakikipagtulungan sa panig Pilipino sa mga suliraning panrehiyon, at kakatigan ang ginagawang positibong papel ng Pilipinas bilang bansang tagapagkoordina sa relasyon ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang magkasamang mapasulong ang lebel ng kooperasyong Sino-ASEAN at makapagbigay ng bagong ambag sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyong ito, dagdag pa ni Zhao.
Salin: Li Feng