|
||||||||
|
||
Sa panahon ng mga taunang sesyon ng Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina at Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC) noong 2013, nang lumahok sa pagsusuri ng delegasyon ng Tibet, nagpahayag si Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), ng pag-asang sasamantalahin ng mga opisyal at mamamayan ng iba't ibang lahi sa Tibet ang pagkakataong historikal, palalaganapin ang "diwa ng lumang Tibet," at buong tatag na tatahakin ang landas ng pag-unlad na may katangian ng Tsina at Tibet.
Nitong nakalipas na 6 na taon, ipinatupad ng Tibet ang diwa ng patnubay ni Xi at estratehiya ng pamahalaang sentral sa pangangasiwa sa Tibet, masigasig na pinasigla ang kabuhayang panrehiyon at pinabuti ang pamumuhay ng mga mamamayan, at naisakatuparan ang napakalaking pag-unlad.
Upang maigarantiya ang pagsasakatuparan ng may kaginhawahang pamumuhay ng mga mamamayan sa taong 2020, nitong nakalipas na ilang taon, pinag-ibayo ng Tibet ang pagbibigay-tulong sa mahihirap. Noong 2017, sinimulang ilunsad nito ang proyekto ng konstruksyon ng 628 may kaginhawahang nayon sa hanggahan, at tinayang matatapos ang mahigit 30 bilyong yuan RMB na pamumuhunan dito hanggang taong 2020.
Ayon sa estadistika, sapul noong 2016, isinagawa ng Tibet ang mahigit 2,200 proyekto ng industriya ng pagbibigay-tulong sa mahihirap. Sa pamamagitan ng pagsasanay at pagpapaunlad ng mga namumunong bahay-kalakal ng pagbibigay-tulong sa mahihirap at mga organisasyon ng kooperasyong pangkabuhayan ng mga magbubukid at pastol, 210,000 mamamayan ang nakahulagpos sa kahirapan.
Bukod dito, pinalakas ng Tibet ang laang-gugulin sa serbisyong pampubliko, at mabilis na umunlad ang usaping medikal at edukasyon. Lalung lalo na, ang mga mahirap na lumipat sa mas magandang lugar panirahan ay nagtatamasa ng paganda nang pagandang serbisyong pampubliko.
Noong nakaraang ilang taon, pinag-ibayo rin ng Tibet ang pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal. Noong 2018, inilaan ng Tibet ang 10.7 bilyong yuan RMB na pondo para sa pangangalaga at konstruksyon ng ecological security frontier.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |