Kumakalat kamakailan ang mainit na balita tungkol sa Syria. Ipinahayag ni Riam Dalati, producer ng British Broadcasting Corporation (BBC), na pagkaraan ng kanyang anim na buwang imbestigasyon, kinumpirma niyang ang video kaugnay ng "pananalakay ng mga sandatang kemikal" sa Douma, Syria na naganap noong Abril ng nagdaang taon, ay peke. Nauna rito, ibinunyag din ng kaukulang departamento ng Rusya ang may-kinalamang detalye ng paggawa ng kuwento ng mga bansang Kanluranin. Ngunit makaraang lumutang ang nasabing video, inilunsad ng Amerika, Britanya, at Pransya ang air strike laban sa Syria, sa may katuwirang nagkaroon ng "pananalakay sa pamamagitan ng sandatang kemikal," na napapaloob sa video.
Sa kasalukuyan, sa mga pangunahing media, lalung lalo na sa pananalita ng mga politiko ng ilang bansang Kanluranin, madalas na nakikita ang ganitong paggawa at paglikha ng mga pekeng balita para sa layong pulitikal at militar. Ang pinakabantog na halimbawa ay digmaan laban sa Iraq noong taong 2003. Sa panahong iyon, kahit walang anumang awtorisasyon mula sa United Nations (UN), lantarang inilunsad ng pamahalaang Amerikano ang pananalakay sa isang soberanong bansa sa pamamagitan ng mga di-tumpak na ebidensya. Namatay ang mahigit 100 libong walang-salang sibilyang Iraqi, at halos 10 libong sundalo at kawal Amerikano. Pero hanggang sa kasalukuyan, walang politikong Amerikano at Britaniko ang nagsabalikat ng anumang responsibilidad sa kanilang sariling kamalian at kasinungalingan. Samantala, wala ring anumang pangunahing mediang Amerikano ang nagsiyasat sa nasabing mga ebidensya. Bukod dito, sa pagbabalita tungkol sa Tsina, lumilitaw din ang masamang pagpapakita ng mga pangunahing mediang Kanluranin.
May kasabihan sa Tsina, na ang katotohanan ay buhay ng balita. Kung gagawing balita ang pekeng pangyayari, wala itong anumang kredibilidad. Alam din ito ng mga Kanluraning media. Ngunit patuloy silang gumagawa ng nasabing mga grabeng kamalian. Dahil dito, sila ay naging kasabwat sa mga sagupaan, digmaan, at pagkitil. Bakit? Ito ay dahil sa kanilang kamang-mangan, kayabangan, at intensyon sa paggawa ng kasalaan, o dahil sa pagkakaiba ng ideolohiya?
Sa pagbabalita ng mga mediang Kanluranin tungkol sa Tsina, palagian nilang pinapalaganap ang mga temang gaya ng "China Threat" at "China Collapse." Ngunit maraming taon ang nakalipas, wala namang nakikitang banta mula sa Tsina, at pagbagsak ng Tsina. Tinukoy ng ilang tagapag-analisa na ang umano'y kalayaan sa pamamahayag ng mga Kanluraning media ay kalayaan sa pagbaluktot at paninirang-puni sa mga umuunlad na bansa.
Salin: Li Feng