Ipinadala Miyerkules, Pebrero 20, 2019, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mensaheng pambati sa seremonya ng pagbubukas ng 2019 China-ASEAN Media Exchange Year na ginanap nang araw ring iyon sa Beijing.
Sa mensahe, tinukoy ni Pangulong Xi na nitong ilang taong nakalipas, napapalakas ng Tsina at mga bansang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang estratehikong pagkokoordinahan, magkakasamang naitatatag ang "Belt and Road," napapalalim ang pagpapalagayang pangkultura, maayos na hinahawakan ang pagkakaiba, at napangangalagaan ang katatagang panrehiyon. Aniya, pumasok na ang relasyong Sino-ASEAN sa bagong yugto ng komprehensibong pag-unlad.
Ipinagdiinan din niya na ang pagdaraos ng nasabing exchange year activity ay isang mahalagang hakbang para mapalalim pa ang estratehikong partnership ng dalawang panig. Aniya, bilang tulay ng pagsasagawa ng pagpapalitan at pagtutulungan, at pagpapasulong ng koneksyon ng mga mamamayan ng dalawang panig, puwedeng mapatingkad ng media ang mas malaking papel para sa pag-unlad ng relasyong Sino-ASEAN. Umaasa siyang magsasabi ng mga magagandang kuwento ang mga media ng dalawang panig upang makapagbigay ng mas malaking ambag sa magkakasamang pagtatatag ng mas mahigpit na China-ASEAN Community of Common Destiny, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng