|
||||||||
|
||
Kalahok sa pagsasanggunian si Liu He, Espesyal na Sugo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, Pangalawang Premyer ng bansa, at Puno ng panig Tsino sa komprehensibong diyalogong pangkabuhayan sa Amerika. Kahapon, Biyernes, ika-22 ng Pebrero 2019, kinatagpo naman siya sa White House, ni Pangulong Donald Trump ng Amerika.
Sa pagtatagpo, iniabot ni Liu ang mensahe ni Xi kay Trump, kung saan ipinahayag ng pangulong Tsino ang pag-asang mararating sa pagsasanggunian ang kasunduang may mutuwal na kapakinabangan at win-win result. Sinabi rin ni Liu, na sa susunod, pag-iibayuhin ng dalawang panig ang pagsisikap, para pasulungin ang pagsasanggunian.
Ipinahayag naman ni Trump ang pananalig, na sa bandang huli, mararating ng dalawang panig ang isang mahalagang kasunduang makakabuti sa kapwa bansa. Ipinahayag din niya ang pananabik sa pakikipagtagpo kay Xi sa malapit na hinaharap, para saksihan ang makasaysayang sandali ng relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Amerika at Tsina.
Sapul nang isagawa ng Tsina at Amerika ang pagsasanggunian sa mataas na antas hinggil sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan, ito ang kauna-unahang pagkakataong pinalawig ng dalawang panig ang pagsasanggunian. Ipinakikita nitong, batay sa natamong mga positibong progreso, pumasok na ang pagsasanggunian sa pinakamasusi at pinakamahirap na yugto, para magkaroon ng pagkasundo bago ang taning na itinakda ng mga lider ng dalawang bansa.
Kung lalapit sa destinasyon, dapat pag-ibayuhin ang pagsisikap. Sa pamamagitan ng pagpapalawig ng pagsasanggunian, nagkakaroon ang dalawang panig ng mas maraming panahon, para mas malalim na magpalitan ng palagay, at mas mataimtim na isaalang-alang ang iba't ibang isyu. Makakabuti rin ito sa pagpapasulong sa pagkakaroon ng kasunduan at pagpapatupad ng kasunduan sa hinaharap.
Sa kasalukuyan, parang nasa yugto ng "final sprint" ang panig Tsino at Amerikano para sa pagsasanggunian hinggil sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan, at nakikita rin ang malaking pagsisikap ng kapwa panig para matamo ang positibong bunga sa bandang huli.
Salin: Liu Kai
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |