Nagtagpo Miyerkules ng gabi, Pebrero 27 sa Hanoi, kabisera ng Vietnam sina Kim Jong Un, Kataas-taasang Lider ng Hilagang Korea (DPRK) at Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos. Sa kanilang ikalawang summit, pinag-usapan ng dalawang lider ang hinggil sa mga konkretong paraan para maisakatuparan ang kapayapaan at denuklearisasyon ng Korean Peninsula.
Makaraan ang maikling pagharap sa mga mamamahayag, nagkaroon ng 20 minutong one-on-one closed-door dialogue ang dalawang lider. Pagkatapos, dumalo sila sa hapunan, kasama ng mga katulong at tagasalin.
Nakatakdang ipagpatuloy ang pag-uusap nina Kim at Trump ngayong araw.
Ang Hanoi summit nina Kim at Trump ay idinaos walong buwan makaraang magtagpo sila noong Hunyo, 2018 sa Singapore.
Salin: Jade
Pulido: Rhio