Sa Ika-2 Sesyon ng Ika-13 Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina na ginaganap ngayon sa Beijing, isinumite ang panukalang Batas sa Pamumuhunang Dayuhan, para suriin ng mga mambabatas. Ang batas na ito ay makakabuti sa pagpapasulong sa pamumuhunang dayuhan, pangangalaga sa mga lehitimong interes ng mga mamumuhunang dayuhan, paglikha ng legalisado, internasyonalisado, at maginhawang kapaligirang pang-negosyo, at pagsasakatuparan ng pagbubukas sa labas sa mataas na antas.
Noong simula pang isagawa ang reporma at pagbubukas sa labas, binalangkas ng Tsina ang tatlong batas na may kinalaman sa pamumuhunang dayuhan, na kinabibilangan ng Law on Chinese-Foreign Equity Joint Ventures, Law on Foreign Capital Enterprises, at Law on Chinese-Foreign Contractual Joint Ventures. Nitong mahigit 40 taong nakalipas, batay sa tatlong batas na ito, itinatag ng mga mamumuhunang dayuhan ang 950 libong bahay-kalakal sa Tsina, at lumampas sa 2 trilyong Dolyares ang aktuwal na inilaang puhunan. Nagbibigay sila ng malaking ambag sa pag-unlad ng kabuhayang Tsino.
Noong 5 taong nakararaan, sa ilalim ng patakaran ng pagbuo ng ibayo pang bukas na sistemang pangkabuhayan, ipinasiya ng Tsina na pabutihin ang sistemang pambatas na may kinalaman sa pamumuhunang dayuhan, at pag-isahin ang pakikitungo sa mga bahay-kalakal na pinatatakbo ng puhunang Tsino at dayuhan. Noong 2018, inilakip ng NPC sa planong lehistibo ang paggawa ng Batas sa Pamumuhunang Dayuhan, para ang batas na ito ay maging saligang batas na may kinalaman sa pamumuhunang dayuhan, at halinhan ang nabanggit na tatlong batas.
Sa pamamagitan ng bagong batas na ito, bubuuin ng Tsina ang mas mabuti at mas kumpletong balangkas ng pagpasok, pagpapasulong, pangangalaga, at pangangasiwa sa pamumuhunang dayuhan. Itatakda rin ng batas ang pagsasagawa ng pre-established national treatment at negative list management system sa mga mamumuhunang dayuhan. Dahil dito, magtatamasa ang mga mamumuhunang dayuhan ng mas makatwiran, pantay-pantay, at maliwanag na pakikitungo sa Tsina.
May pag-asang pag-titibayin sa kasalukuyang sesyon ng NPC ang Batas sa Pamumuhunang Dayuhan. Sa pamamagitan ng batas na ito, inaasahang isasakatuparan ang mas mabilis na pag-unlad ng mga mamumuhunang dayuhan sa Tsina, at pasusulungin ang pag-unlad ng bansa sa mas mataas na kalidad at pagbubukas sa mas mataas na antas.
Salin: Liu Kai