Ipinahayag ngayong araw, Linggo, ika-17 ng Marso 2019, ng panig pulisya ng New Zealand, na pagkaraang matuklasan ang isang bagong nabiktima, umabot sa 50 ang bilang ng mga nasawi sa pamamaril sa mga moske sa Christchurch ng bansang ito.
Ayon kay Police Commissioner Mike Bush, ang naturang nabiktima ay natuklasan, habang inaalis ang mga bangkay sa Masjid Al Noor Mosque, kung saan pinatay ng mamamaril ang mahigit sa 40 katao.
Samantala, ayon pa rin kay Bush, 50 katao naman ang nasugatan sa naturang insidente, at kabilang dito, 36 ang binibigyang-lunas pa sa ospital.
Sa kasalukuyan, isinakdal sa kasalanang pagpatay sa tao ang isang suspek ng insidenteng ito, na si Brenton Tarrant, 28 taong gulang at taga-Australya. Kahapon, maikli siyang humarap sa lokal na hukuman ng Christchurch, at muling haharap sa hukuman sa ika-5 ng susunod na buwan.
Ipinahayag naman kahapon ni Punong Ministro Jacinda Ardern ng New Zealand, na ang naturang insidente ay organisado at pinaplanong teroristikong pag-atake. Dapat baguhin ang batas sa pangangasiwa sa baril ng bansa, dagdag pa niya.
Salin: Liu Kai